Adiong

Adiong kay VP Sara: Maghunos-dili po sana tayo

Mar Rodriguez Jul 13, 2026
20 Views

PINAYUHAN ni House prosecution spokesperson at Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Vice President Sara Z. Duterte na “maghunos-dili” sa galit kasunod ng mga pagbabanta nito laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Binigyang diin ni Adiong na dapat nagpakita ng pagpipigil si VP Duterte sa halip na magbanta kay Pangulong Marcos Jr. at iginiit na ang galit ay hindi kailanman maaaring maging dahilan upang hindi matugunan ng isang opisyal ng pamahalaan ang mas mataas na pamantayan ng asal na itinatakda ng Konstitusyon.

“Dapat ang mga opisyal ng gobyerno meron po silang restraint. You have to have a sense, a level of restraint na maski ganun kalaki ang galit, puot o galit, hindi mo gagamitin ito para ikaw ay magbanta.

At hindi lang magbanta, i-explain na meron kang nakausap na hitman o mamamatay-tao para patayin ang Pangulo,” dagdag pa ng kongresista.

Nahaharap si Duterte sa impeachment kaugnay ng kanyang online press briefing noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang may kinausap umano siyang tao upang patayin sina Pangulong Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.

Sa paglilitis ng impeachment, iginiit ng depensa na nabigkas ni Duterte ang naturang mga pahayag dahil sa matinding galit at sa gitna ng umano’y bantang laban sa kanyang buhay, na kanilang iniuugnay sa tinatawag na “Oplan Romanov” na isang umano’y operasyon na naglalagay sa Bise Presidente sa panganib.

Gayunman, nanindigan ang prosekusyon na wala pang naihaharap na ebidensiya sa Senate impeachment court na sumusuporta sa naturang alegasyon.

Pinabulaanan ni Adiong ang argumento ng depensa na katanggap-tanggap ang mga naging pahayag ni Duterte dahil lamang sa siya ay galit.

“Hindi ho dapat natin gawing katanggap-tanggap o dahil lang ang Vice President, sabihin natin according to the defense ay galit ay hindi ho natin gawing katanggap-tanggap ’yan at i-normalize,” sabi ni Adiong.

Ayon sa solon, hindi naman tinatanggap ng mga Pilipino ang ganitong pananalita mula sa kanilang mga kapamilya, kaibigan o katrabaho, kaya lalong nararapat lamang na mas mataas ang pamantayang hingin sa mga halal na opisyal ng pamahalaan.

“Kung ayaw po nating marinig ang ganyang klaseng pananalita sa ating mga kaibigan, mga anak, kapamilya, katrabaho, dapat din na i-demand natin sa ating mga halal sa gobyerno na hindi sila nagsasalita at gumagawa ng mga pag-uugali na hindi po sang-ayon, hindi lang ho sa ating standard of morality as Filipinos but even against the Constitution,” ani Adiong.

Ayon pa sa kanya, ang impeachment trial ay tungkol sa pagtukoy kung ano ang wastong asal na dapat asahan sa mga pinagkatiwalaan ng pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.