Sara1

Adiong: Pag-amin ni VP Sara tungkol sa hitman pagtataksil sa tiwala ng publiko

20 Views

IGINIIT ng House prosecution panel noong Miyerkules na ang mismong pahayag ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte na umano’y nakipagkasundo siya sa isang hitman upang ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sakaling siya ay mapatay ay maituturing nang pagtataksil sa tiwala ng publiko—isa sa mga batayang konstitusyonal para sa impeachment.

Sinabi ni House trial spokesperson at Kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong na ang naturang umano’y pag-amin ay nagbubukas ng mabibigat na katanungan hinggil sa asal na inaasahan sa isang opisyal ng pamahalaan na nanumpang itaguyod ang batas.

“The mere fact that she had that idea and made an understanding, an agreement with a person whose livelihood is sourced out from killing people, is already a betrayal of public trust,” ani Alonto Adiong sa isang press briefing.

“Dahil inaasahan siyang itaguyod ang batas at ang pananaig ng rule of law, na walang sinuman ang dapat magpatupad ng sariling bersyon ng hustisya,” dagdag niya.

Ayon kay Alonto Adiong, ang isang opisyal na humahawak sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa ay dapat sanang nagsumbong sa mga awtoridad tungkol sa umano’y pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, sa halip na makipag-usap o makipagkasundo rito.

“’Yun mismo ’yung alam niya na merong mamamatay tao at hindi niya ito pinagsabi sa mga pulis, sa mga ahensya ng ating gobyerno, at siya mismo ang nakipag-usap. That alone is a betrayal of the oath that she has taken prior to the assumption as Vice President of this land,” ani Alonto Adiong.

Lumitaw ang usapin habang ipinagpapatuloy ng mga prosecutor ang paghaharap ng ebidensya sa Senado na nakaupo bilang impeachment court kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na inaakusahan si Duterte ng paggawa ng mabibigat na pagbabanta laban kay Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Bilang suporta sa naturang sakdal, iniharap ng prosekusyon si National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging tunay ng online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, na naglalaman ng umano’y mga pagbabanta.

Tinukoy rin niya ang mga opisyal na pahayag ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Security Council, at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagpapakitang nagbunsod ang naturang mga pahayag ng mga security assessment at pormal na imbestigasyon.

Sinabi ni Alonto Adiong na layunin ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon na hindi lamang patunayan ang pagiging tunay ng mga naitalang pahayag ni Duterte kundi ipakita rin kung bakit itinuring ng mga ahensya ng pamahalaan na isang usaping may pambansang kahalagahan ang mga ito.

“I think it’s not only about establishing the veracity and the authenticity of these video clips, but more important is what the effect of the threats that she made against the President to the whole nation,” ani Alonto Adiong.

“Anong epekto nito? Hahayaan ba natin ito na basta-basta na lang ma-express without accountability?” tanong niya.

Ayon sa kanya, wala umanong ibang pagpipilian ang mga imbestigador kundi magsagawa ng imbestigasyon dahil ang umano’y mga pagbabanta ay nakatuon sa Pangulo ng bansa.

“You cannot also expect that the agencies will not do anything to investigate because it was said in a manner by which it should be taken seriously,” ani Alonto Adiong.

“The threat was done, directed not just for an individual, but it is directed against the head of state, head of government, and the commander-in-chief. That’s why it is also a national security concern,” dagdag niya.

Ayon pa kay Alonto Adiong, ang paglahok ng iba’t ibang ahensya ng pagpapatupad ng batas at seguridad ay nagpapakita kung gaano kaseryosong tinrato ng pamahalaan ang mga naging pahayag ni Duterte.

“That’s why many agencies came in and investigated if there was indeed an agreement that was made and reached by the respondent and the hitman,” ani Alonto Adiong.