Adiong

Adiong: Testigo di pinapangalanan para sa kanilang kaligtasan

26 Views

DAHIL sa mga usapin ng kaligtasan at seguridad, hindi muna isinasapubliko ng House prosecution panel ang pagkakakilanlan ng karamihan sa kanilang mga testigo para sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, ayon kay tagapagsalita ng paglilitis at Kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong nitong Martes.

Nakatakdang magsagawa ang Senado bilang impeachment court ng pre-trial conference sa Hunyo 18 bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.

Noong Lunes, isinumite ng 11-kataong House prosecution panel, sa pangunguna ni House Committee on Justice Chair at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ang kanilang 57-pahinang pre-trial brief na naglalaman ng mga iminungkahing pinagkasunduang katotohanan (stipulation of facts), listahan ng mga testigo, at mga dokumentaryong ebidensiya.

Bagama’t inihayag ng prosekusyon na balak nitong iharap ang mahigit 30 testigo, tumanggi si Alonto Adiong na isapubliko ang pagkakakilanlan ng karamihan sa kanila.

“Kailangan din naming maging maingat para sa kaligtasan at seguridad ng mga testigong ito,” ani Alonto Adiong sa isang panayam sa ANC Headstart.

Sinabi niya na ang mga konsiderasyon sa seguridad ang isa sa mga dahilan kung bakit iniutos ng Senado bilang impeachment court na isagawa ang pre-trial conference sa executive session.

“Iyan mismo ang dahilan kung bakit inatasan ng Senado bilang impeachment court ang Kamara at ang depensa na magkaroon ng eksklusibong pagtalakay sa pre-trial conference,” paliwanag ni Alonto Adiong.

Ayon kay Alonto Adiong, pinahihintulutan ng mga tuntunin ang parehong prosekusyon at depensa na magreserba ng mga testigo at dokumentaryong ebidensiya, basta’t sapat ang impormasyong ibinibigay sa hukuman at sa kabilang panig.

Aniya, maaaring ilarawan ang mga testigo batay sa kanilang tungkulin, kadalubhasaan, o kaugnayan sa isang partikular na artikulo ng impeachment sa halip na agad ilahad ang kanilang mga pangalan.

“Ang ayaw namin, at ayaw rin ng hukuman, ay ang pagkakaroon ng mga sorpresang testigo,” ani Alonto Adiong.

Bilang halimbawa, sinabi niya na maaaring tukuyin ng prosekusyon ang mga posibleng testigong may kaugnayan sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman sa pamamagitan ng pangkalahatang paglalarawan at hindi sa pamamagitan ng kanilang tiyak na pagkakakilanlan.

“Halimbawa, eksperto o mga kawani at empleyado mula sa AMLC (Anti-Money Laundering Council). Hindi kinakailangang ibigay agad ang buong detalye o pangalan ng testigo,” aniya.

Sinabi ni Alonto Adiong na ang ganitong kaayusan ay nagpoprotekta sa seguridad ng mga testigo habang nagbibigay naman ng sapat na impormasyon sa magkabilang panig upang makapaghanda para sa paglilitis.

Binanggit din niya na nauna nang isinapubliko ni Luistro ang pangalan ng dating senador na si Antonio Trillanes IV bilang isa sa mga posibleng testigo ng prosekusyon.

“Dahil pinangalanan na ng aming lead counsel si dating Senador Trillanes bilang isa sa aming mga posibleng testigo na ihaharap sa hukuman kaugnay ng mga partikular na artikulo ng impeachment, malaki ang posibilidad na siya ay mauupo roon bilang isa sa mga testigo,” ayon kay Alonto Adiong.