Briones AGAP Partylist Congressman Nicanor ‘Nikki’ Briones

AGAP Party-list ikinagalak paglagda ni PBBM sa Anti-Agri Economic Sabotage Act

63 Views

IKINAGALAK ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Congressman Nicanor ‘Nikki’ Briones ang paglagda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa Republic Act 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Pinasalamatan ni Briones ang Pangulo sabay sabi na isa lamang ito sa marami pang hakbang ng Marcos administration upang maseguro ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino at masuportahan ang sektor ng agrikultura.

Ayon sa kongresista mula sa AGAP Party-list, nilalayon ng batas na puksain ang mga krimen at anumang uri ng pananamantala na siyang makakaapekto sa mga magsasaka gayundin sa buong industriya ng agrikultura.

Ipinaliwanag din ni Briones na ang mga itinuturing na economic sabotage ay ang smuggling, hoarding, profiteering at cartel sa mga produktong agrikultural pati na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa lokal na produkto.

Sinabi pa niya na ang sinumang lalabag sa batas na ito ay posibleng maharap sa pagkakakulong o multa ng higit pa sa halaga ng produktong ginamit sa krimen.

Sa ilalim ng batas na iniakda at inisponsor ng AGAP Party-list representative, nakatakdang bumuo ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council na siyang pangungunahan mismo ng pangulo katuwang ang mga kalihim ng agriculture, finance, transportation, trade and industry, interior and local government, justice at iba pang opisyal ng concerned agencies.

Binigyang-diin ng mambabatas na magkakaroon ng special team of prosecutors sa buong bansa para mapabilis ang resolusyon ng mga kasong may kaugnayan sa agricultural sabotage.

Dagdag pa niya na hindi lang puntirya ng nasabing batas ang mga mastermind kung hindi lahat ng kasabwat, kabilang ang mga broker, empleyado ng gobyerno may ari ngwarehouse, cold storage at truckers ay mananagot at kakasuhan din.