Calendar

AGAP pinasalamatan si Ivana Alawi sa suporta
NAGPAHAYAG ng pasasalamat si AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nikki” Briones sa sikat na vlogger at aktres na si Ivana Ilawi sa pagsuporta nito sa kanilang reelection bid sa Kongreso.
Ayon sa AGAP solon, sa dami ng tumatakbong party-list groups, isang karangalan na mabigyang pagkilala at tiwala ni Ivana.
Sambit naman ni Ivana, siya ang dapat magpasalamat sa AGAP sapagkat walang-sawa itong humahanap ng paraan upang matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng sektor ng agrikultura.
Ani Ivana, nariyan palagi ang AGAP na nagtutulak ng mga panukalang magpapababa ng presyo ng mga bilihin.
Dagdag pa ni Ivana, napakahalagang may party-list group sa Kongreso na magseseguro na may sapat at abot-kayang pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
Binigyang-diin ni Ivana na ngayong eleksyon lamang siya susuporta ng isang party-list group, sapagkat naniniwala siya sa track record at kakayanan nitong makapaglatag ng solusyon sa mga problemang may kinalaman sa food security.
“Napaka-arte ko at napaka-choosy pagdating sa politiko. Hindi naman ‘yan para sa akin o ikakaganda ko o para sa pamilya ko. Para ito sa Pilipinas, para sa mga kababayan natin,” sambit ni Ivana.
Ayon kay Ivana, sa kanyang paglilibot sa bansa habang gumagawa ng mga vlog, nakita niya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa mga kanayunan.
“Sa ngayon, sinasabi ko na very, very confident ako sa AGAP. Hindi naman ako pumapasok sa isang party-list na hindi ko pinag-aralan. Nakita kong ang AGAP ang may puso sa ating mga magsasaka at mangingisda,” dagdag ni Ivana.