Romero

Agarang aksiyon ng Kamara para matulungan naapektuhan ng bagyo pinapurihan

Mar Rodriguez Oct 29, 2024
58 Views

BILANG chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, pinapurihan ni 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang naging hakbang ng Kamara de Representantes para agad na matulungan ang libo-libong biktima ng Tropical Storm na Kristine sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng pamamahagi ng relief operations para sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na bagyo.

Alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang paghahanda upang maisagawa ang malawakang relief operations para matulungan ang mga pamilyang sinalanta ng bagyong Kristine sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sabi ng Committee on Poverty Alleviation Chairman na ang agarang aksiyon ng Kamara ay nagpapakita lamang ng tunay na malasakit nilang mga kongresista sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino partikular na aniya sa panahon ng kalamidad.

Paliwanag ni Romero na malaking tulong na para sa mga naging biktima ng bagyong Kristine ang inilabas na P390 milyong halaga ng tulong pinansiyal na ipinamahagi sa may 22 distrito sa Bicol Region, Eastern Visayas, MIMAROPA at iba pang mga lugar upang muling makapagsimula ang mga nasalanta ng bagyo.

Pinasalamatan din ni Romero si Pangulong Marcos, Jr. dahil sa ibinigay nitong direktiba na walang Pilipino ang dapat maiwan sa pagtulong na gagawin ng pamahalaan para sa kanila. Kung saan, nais lamang iparamdam ng Pangulo ang malasakit at pagmamahal ng pamahalaan para sa mga mamamayan.