Agarang aksyon ng DOTr vs illegal habal-habal na overcharging iginiit

Mar Rodriguez Jan 2, 2023
202 Views

IGINIGIIT ngayon ng House Committee on Transportation sa Department of Transportation (DOTr) na agad nitong aksiyunan ang patong-patong at sandamakmak na reklamo laban sa mga tinaguriang “motorcycle taxis” na sobra-sobrang kung maningil ng pamasahe.

Sinabi ni Antipolo 2nd Dist. Romeo M. Acop, Chairman ng Transportation Committee, na dapat tugunan agad ng DOTr ang reklamo mula sa mga “motorcycle commuters” na naging biktima ng overcharging o sobra-sobrang paniningil ng mga motorcycle taxis.

Binigyang diin ni Acop na sa kasagsagan ng Christmas holiday rush, maraming motorcycle taxis o Transportation Network Companies (TNC) tulad ng Angkas at Joyride ang nagsamantala sa pamamagitan ng sobrang paniningil ng pasahe. Bukod pa ang reklamo na ilan din sa kanila ang nagpatay ng kanilang apps at suma-sideline bilang habal-habal.

Hinikayat din ni Acop ang DOTr na kailangan nitong “I-check” kung nasusunod ba ng Angkas at Joyride ang inilabas na memorandum o memo kaugnay sa ‘pilot testing” ng mga motorcycle taxis.

Ipinaliwanag ng kongresista na kasalukuyang dine-deliberate sa Kamara de Representantes ang batas patungkol sa operasyon ng TNC. Kung saan, pinayagan silang makapag-operate sa ilalim ng pilot-testing program na pinangangasiwaan ng “provisional authority na inilabas naman ng DOTr – Technical Working Group (TWG).

Sinabi pa ni Acop na dapat suriin din ng DOTr ang “fare charge” ng mga TNC para madetermina kung ang kanilang paniningil ng pamasahe ay nakakasunod ba o “compliant” sa memorandum regulations na nagpapahintulot sa kanila na magtaas ng singil ng doble sa normal rate.

“Nakalagay sa memo na puwede silang magtaas ng charge o singil up to twice ng normal rate. Kailangan ng figures to determine kung nasusunod ba ito, DOTr should also evaluate the fares charged by TNCs to determine if these are compliant with memo regulations,” sabi ni Acop.