Gas

Agarang tulong sa PUV driver isinusulong

341 Views

NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) na magpatuloy sa masusing pagbabantay sa presyo ng Dubai crude oil at tiyaking handa ang ahensya sa mabilis na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan sa oras na matugunan ang mga kinakailangang kondisyon.

Sa kabila ng bahagyang pagbuti ng sitwasyon sa Gitnang Silangan matapos ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran, iginiit ni Tulfo na hindi dapat magpabaya ang DOTr sa pagsubaybay sa galaw ng presyo ng langis. Sa pinakahuling tala noong Hunyo 26, ang presyo ng Dubai crude oil ay nasa US$78 kada bariles—bahagyang mas mababa sa US$80 threshold na nakasaad sa 2025 General Appropriations Act (GAA) para mapasimulan ang fuel subsidies.

Ayon sa GAA, maaaring ipamahagi ang subsidiya kung makapaglalabas ang Department of Energy (DOE) ng sertipikasyon na ang average na buwanang presyo ng Dubai crude, batay sa Mean of Platts Singapore benchmark, ay umabot na sa US$80 kada bariles.

Bilang pinuno ng Senate Committee on Public Services, binigyang-diin ni Tulfo ang bigat ng epekto ng kamakailang taas-presyo ng produktong petrolyo sa sektor ng transportasyon. Ayon sa kanya, may ilang kumpanya ng langis ang nagpatupad na ng ₱2.60 dagdag kada litro ng diesel at ₱1.75 kada litro ng gasolina noong Hunyo 24 at 26—at may posibilidad pa ng karagdagang pagtaas.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan si Tulfo sa DOE at DOTr upang alamin kung may nakaabang bang contingency plans, lalo na’t hindi pa tiyak kung magkakaroon ng rollback sa presyo. Ipinaliwanag ni DOE Officer-in-Charge Sharon Garin na limitado lamang ang papel ng kanilang ahensya sa paglalabas ng sertipikasyon kapag naabot ang presyo, habang ang DOTr naman ang siyang nangangasiwa sa kung kailan, paano, at gaano kalawak ipamamahagi ang subsidy.

Kinumpirma naman ni DOTr Undersecretary Ramon Reyes na ang kanilang mga hakbang ay batay sa datos ng DOE at mga probisyon ng GAA.

Hinimok ni Tulfo ang parehong ahensya na humanap ng paraan upang matulungan ang mga PUV driver kahit hindi pa natutugunan ang pormal na batayan ng subsidiya. Nananawagan din siya sa malalaking kumpanya ng langis na kusang-loob na magbigay ng diskwento sa mga tsuper habang naghihintay.

“At kung hindi man matuloy ang rollback na inaasahan next week at patuloy ang pagtaas ng krudo, kailangang siguruhin ng DOTr na agarang maipapamahagi at hindi magkakaroon ng delay sa fuel subsidy distribution,” ani Tulfo. Nina PS Jun M Sarmiento & Camille P. Balagtas