Calendar
Agawan sa bentilador, 1 utas, 3 sugatan
TODAS ang isang estudyante habang tatlo ang nasugatan sa rumble dahil sa bentilador sa labas ng kanilang paaralan noong Biyernes sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Camarin Doctors Hospital ang Grade 10 na si alyas Obana, 15, dahil sa saksak sa dibdib habang naisugod sa ospital sina alyas Santos, 17; alyas Levy, 15; at alyas Suson.
Sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles na naaresto ang 16-anyos na Grade 10 na estudyante na si alyas Fernan at nabawi sa kanya ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Nagsimula ang away sa pagitan ng nasawing biktima at suspek dahil sa agawan umano sa bentilador sa loob ng kanilang silid-aralan hanggang masuntok ni alyas Fernan ang nasawi.
Nagsumbong ang biktima sa kanyang mga kabarkada at inabangan nila sa labas sa Sikatuna Ext. Urduja Village, Brgy. 172 ang suspek matapos ang kanilang klase bago mag ala-1:00 ng hapon.
Ang hindi alam ng mga biktima, armado pala ng patalim ang inabangang suspek kaya sila masaksak nang magka-rambulan na nakuhanan pa ng video ng ilang mga estudyante.
Ayon sa estudyante na nanaksak, nagdadala siya ng kutsilyo bilang pang-depensa sa kanyang sarili dahil sa ginagawang pambu-bully sa kanya ng mga kaklase nang malipat siya sa naturang paaralan.
Sinabi ng mga pulisya na kahit menor de edad, sasampahan pa rin nila ng kasong murder at tatlong bilang na frustrated murder ang na-rescue na estudyante.