Tiangco

Agri sector uunlad sa ilalim ng PBBM administrasyon — Tiangco

Edd Reyes Jan 2, 2025
27 Views

KUMPIYANSA si Navotas Rep. Toby Tiangco na uunlad ang sektor ng agrikultura dahil sa mga reporma ng admininstrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tinukoy ni Tiangco ang 95% na nakamit ng National Food Authority (NFA) sa kanilang imbentaryo ng bigas noong 2024 at nakaipon ang ahensiya ng mahigit 5-milyong tig-50-kilo ng sako ng bigas.

“Patuloy po nating nararamdaman ang bunga ng mga programang pang-agrikultura ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa tulong ng mga batas at repormang isinulong ng Pangulo, masisiguro natin na maganda ang takbo ng sektor ng agrikultura at higit sa lahat, ang pag-unlad ng buhay ng ating mga magsasaka,” sabi ni Tiangco.

Binanggit ni Tiangco na sa ilalim ng inamyendahang Rice Tariffication Law, ipinag-uutos sa NFA na panatilihin ang 15-araw na buffer stock upang matustusan ang programang pantulong sa sakuna at tiyakin ang seguridad sa pagkain.

Katumbas ito ng 300,000 metriko toneladang giniling na bigas na dapat maging stock ng ahensya sa kanilang target inventory mula 2024 hanggang 2025.

Tiwala rin si Tiangco na tutugon ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) sa direktiba ng Pangulong Marcos sa mahigpit na pagpapatupad ng RA No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.