lacson

Agri smuggling probe ‘di tatantanan

257 Views

SA kabila ng nagpapatuloy kampanya para sa nalalapit na Halalan 2022, hindi isinasantabi nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niyang si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kanilang tungkulin at pangako na alamin ang mga nasa likod ng agricultural smuggling.

Ayon kina Lacson at Sotto, ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon ng Committee of the Whole ng Senado sa Lunes, lalo’t wala pang natutukoy na dapat managot sa idinadaing na problema ng mga magsasaka ng gulay. Binigyang-diin nila ang kanilang posisyon hinggil sa importasyon ng mga produktong pang-agrikultura.

“Ayaw natin ng importation. Doon sa importation nagkakaroon ng smuggling, ang naaapektuhan kayo—kayong mga growers,” ayon kina Lacson at Sotto sa kanilang pakikipagdayalogo sa mga magsasaka at iba pang sektor sa Midsayap, North Cotabato nitong Miyerkules (Marso 23).

Unang inilapit kina Lacson ang isyung ito nang makausap nila ang mga magsasaka sa Benguet noong nakaraang taon. Ayon kay Agot Balanoy, manager ng Hi-Land Farmers Multipurpose Cooperative sa La Trinidad, simula pa 2001 ay apektado na sila ng galawan ng pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura tulad na lang ng carrots at strawberry.

Patunay ito na hindi lamang pang-eleksyon ang kanilang pangako, at kung ang Lacson-Sotto tandem din umano ang magiging susunod na presidente at bise presidente, ipatutupad nila ang kongkretong plano para sa food security ng bansa—katuwang ng kanilang senatorial candidate na si dating Agriculture Secretary Manny Piñol na nagmungkahing magtatag ng mga regional food consolidation center.

Plano ng tambalang Lacson-Sotto na palakasin ang kapasidad ng mga local government para bilhin ang 50 porsyento ng ani ng mga magsasaka at mangingisda upang ang gobyerno na ang maghahatid nito sa mga mamimili. Sa ganitong paraan din umano ay maaabot ang tamang farmgate price o maibebenta nila sa tamang halaga ang kanilang mga produkto.

“Ang budget natin sobra-sobra. Ano ba ‘yung ibigay ang P100-milyon sa bawat municipality—kasama Midsayap, kasama Pigcawayan, kasama ng ano man—isipin niyo magagawa ng local government. Kaya nilang bilhin ‘yung inyong mga produce,” paliwanag ni Lacson.