Aiai

Ai-Ai at co-stars, nag-iyakan sa digicon

Vinia Vivar Apr 12, 2022
276 Views

Nag-iyakan ang ilan sa lead cast ng Raising Mamay, sa pangunguna ni si Ai-Ai de las Alas, sa digital mediacon na ginanap last Sunday.

Natanong kasi kina Ai, Shayne Sava at Abdul Raman kung ano ang kanilang most memorable or emotional moment sa kani-kanilang ina at naging emosyonal ang tatlo habang sinasagot ito.

Ayon kay Ai, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ipinamigay siya ng kanyang biological mom who passed away in 2013.

Noong nabubuhay pa raw ito, laging nandu’n ang guilt sa dahil ipinaampon siya nito.

Pero naiintindihan naman daw niya kung bakit siya ipinamigay ng kanyang ina at ito ay dahil sa hirap ng buhay kaya mahal na mahal pa rin niya ito.

“’Yung araw na humingi siya sa akin ng kapatawaran, humingi siya ng sorry, nag-sorry siya sa akin na napamigay niya ako. And ako, parang sa akin kasi, ‘nanay kita, eh. Kahit anong mangyari, hindi mo kailangang mag-sorry na pinamigay mo ’ko, kasi nanay kita, mahal kita kahit na anong nangyari sa atin bilang anak at saka ina.

“‘Yun ‘yung hindi ko makakalimutan sa kanya. ‘Yung sincerity nu’ng pagso-sorry niya kahit hindi naman na kailangan, kasi ‘yung pagiging nanay niya, hindi ko ‘yun kayang bayaran,” emosyonal na sabi ni Ai.

Si Shayne naman, ikinuwento ang hindi niya makakalimutang araw noong six years old siya. Ito ay nang iwan sila ng kanyang ama at tandang-tanda niya nagmakaawa ang mommy niya at lumuhod sa kanyang daddy.

Pero pagkatapos daw nu’n ay sobrang humanga siya sa katatagan ng kanyang ina dahil nakaya nitong itaguyod silang magkakapatid nang nag-iisa lang.

Nakaramdam kami ng awa kay Abdul nang sabihin niyang miss na niya ang ina na hanggang ngayon ay may sakit pa rin.

“I just miss my mom. Miss ko na pong marinig po ‘yung boses niya man lang kasi ang tagal na pong nawala ‘yung boses niya. Miss ko na po ‘yung kumpleto pa po kami including my dad,” aniya.

“I just want her back,” he said.

Wish ni Abdul na ’pag nagsimula nang umere ang Raising Mamay ay mapanood ito ng kanyang ina at maging proud sa kanya.

Magsisimula na ang Raising Mamay sa April 25 sa GMA Afternoon Prime at sa trailer pa lang ay makikita nang kakaiba ang kwento ng serye na aantig sa puso ng manonood.