Training

AI training program para sa mga empleyado ng gobyerno iminungkahi

18 Views

IMINUNGKAHI ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagbibigay ng artificial intelligence (AI) training program para sa mga kawani ng gobyerno upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman kung paano ito gumagana pati na rin ang mga benepisyo at panganib na dulot nito.

“Skills gap o kakulangan sa kasanayan ang isa sa hamon sa ating workforce, lalo na sa pag-usbong ng generative AI. Kaya dapat simulan na ng mga ahensya ng gobyerno ang pagsasanay at pagpapalawak ng kakayahan ng mga kawani ng gobyerno pagdating sa AI,” ani Estrada.

Sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2930 o ang panukalang “Artificial Intelligence (AI) Training for Government Workforce Act,” sinabi ni Estrada na marami ng kumpanya sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagsimulang gumamit ng AI sa kanilang operasyon at may mga ahensya ng gobyerno sa ibang bansa ang aktibong pinag-aaralan ang AI pati ang epekto nito sa pampublikong sektor.

“Marami nang diskusyon tungkol sa AI, kung talagang nakakatulong ba ito sa pang-araw-araw na buhay o isa lamang itong banta sa global workforce. Malaki talaga ang potensyal ng AI, mula sa pag-automate ng mga gawain hanggang sa mabilis na pagbibigay ng sagot sa mga komplikadong tanong sa loob lamang ng ilang segundo,” aniya.

Ngunit binigyang diin ni Estrada na dapat ding balansehin ng gobyerno ang paggamit sa mga benepisyo ng AI, pamamahala sa mga panganib nito at ang pakinabang sa mga oportunidad na dala nito.

“Ang pamumuhunan sa AI training ay hindi lamang magsisiguro sa hinaharap ang ating workforce kundi magpapabuti rin sa serbisyo publiko,” sabi niya.

Sa ilalim ng SB 2930, inaatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumuo ng at mamuno sa AI Training Program na sasaklaw sa kung paano gumagana ang AI at mga pangunahing konsepto nito, benepisyo nito para sa gobyerno, posibleng panganib tulad ng diskriminasyon at isyu sa privacy, maging ang mga AI trends, aspeto sa national security at innovation concerns, at mga estratehiya para sa ligtas at mapagkakatiwalaang paggamit nito.

Nais din niyang isagawa ang training kada dalawang taon gamit ang pondong nakalaan sa taunang badyet.

Kasama sa mga empleyadong sasailalim sa panukalang pagsasanay ay ang mga nasa program management, planning, research, development, engineering, testing, quality control, procurement, logistics, cost estimation, at iba pang itatalaga ng pinuno ng ahensya para sa AI training.