Martin AKAP SA SM FAIRVIEW – Inilunsad ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas at Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren, ang pamamahagi ng tulong mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para sa 10,528 benepisyaryo na mga empleyado sa SM Fairview sa Quezon City hapon ng Martes. Kuha ni VER NOVENO

AKAP Mall Tour namahagi ng P268M para sa 53,000 benepisyaryo

Mar Rodriguez Nov 12, 2024
129 Views

PORMAL na inilunsad ng House of Representatives, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) Mall Tour ng Martes, kung saan umabot sa kabuuang P268.5 milyon ang naipamahaging ayuda sa 53,000 kwalipikadong empleyado ng mall at empleyado ng mga tenant sa apat na malalaking SM Supermalls sa Metro Manila.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang AKAP Mall Tour ay pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa isang sama-samang pagkilos ng pamahalaan upang harapin ang epekto ng inflation at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan, at upang matulungan ang mga minimum wage earner, low-income worker at mga higit na nangangailangan.

“Ang AKAP ay sagot ng ating gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mga pangangailangan. Ito ay isang malaking tulong para sa ating mga kababayang hirap na hirap na itaguyod ang kanilang mga pamilya, lalo na ang mga minimum wage earners at low-income workers,” ayon kay Speaker Romualdez.

Ang AKAP Mall Tour ay idinisenyo upang maabot ang libo-libong empleyado ng mall at mga tenant nito, at mga trabahador sa ahensya na nagtatrabaho sa pinakamalalaking shopping malls sa bansa.

Sa araw ng mall tour, kabuuang 53,715 benepisyaryo mula sa SM Mall of Asia, SM Megamall, SM North Edsa at SM Fairview ang nakatanggap ng P5,000 bawat isa sa ilalim ng programang AKAP.

Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, ang aktibidad na ito ay hindi lamang nagkakaloob ng pinansyal na ginhawa sa mga benepisyaryo, kundi tumutulong din sa pagpapasigla ng ekonomiya sa mga mall at lokal na negosyo, upang matiyak na ang tulong ay naipapaabot sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.

Sinabi ni Gabonada na simple lamang ang proseso ng pagpaparehistro para sa mga benepisyaryo ng AKAP. Ang mga kwalipikadong manggagawa ay kailangang magparehistro online sa Bagong Pilipinas platform at ipakita ang kanilang Bagong Pilipinas ID.

Idinagdag niya na may mga scanner na nakalagay sa mga entrance ng mall para tiyakin ang pagiging kwalipikado ng mga empleyado.

Pagkatapos ng validation, makakatanggap sila ng notification na magbibigay ng iskedyul ng kanilang payout at iba pang mga kinakailangang dokumento.

Paliwanag ni Speaker Romualdez, ang inisyatiba ay sama-samang pagsisikap sa pagitan ng pambansang pamahalaan, mga lokal na opisyal at ng pribadong sektor.

“Ang AKAP Mall Tour ay isang halimbawa ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Lahat tayo ay nagtutulungan upang siguruhin na ang tulong ay makakarating sa mga nararapat makatanggap nito,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Hanggang noong Martes, umabot na sa mga sumusunod na bilang ang mga nakapagparehistrong benepisyaryo sa apat na kalahok na mall: 16,766 na rehistrado sa SM Mall of Asia, 13,632 sa SM North EDSA, 12,789 sa SM Megamall at 10,528 sa SM Fairview.

Sinabi ni Gabonada na inaasahan pang tataas ang bilang na ito habang patuloy na lumalawak ang tour sa buong bansa.

Ang matagumpay na pagpapatupad ng programa ay naging posible dahil sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang tanggapan ng kongreso.

Sa SM Fairview, sina Rep. Ralph Tulfo at Rep. Michael “PM” Vargas ang nag-organisa ng mga volunteer. Habang sa SM North EDSA, sina Rep. Arjo Atayde, Rep. Marvin Rillo at Rep. Marivic Co-Pilar naman ang nagbigay ng mga tauhan upang tumulong sa pagpaparehistro.

Sa SM Megamall, nagtulong-tulong naman sa pagpaparehistro ang mga tanggapan nina Rep. Franz Pumaren, Rep. Roman Romulo at Rep. Neptali Gonzales II.

Sa SM Mall of Asia, aktibong nakibahagi sina Rep. Antonino Calixto at Pasay City Mayor Imelda G. Calixto-Rubiano para matiyak ang maayos na operasyon bago ang pormal na paglulunsad ng programa.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa kooperasyon ng lahat ng mga kalahok, at binigyang-diin na ang pagtutulungan ay mahalaga para sa tagumpay ng programang AKAP.

“We are grateful for the overwhelming support we’ve received from the congressional offices and local government units. Their active participation has made the registration and implementation process efficient and effective,” saad ng pinuno ng Kamara.

Matapos ang paglulunsad sa Metro Manila, ang AKAP Mall Tour ay palalawakin sa iba pang mga mall sa rehiyon at sa buong bansa.

Ito ay upang matiyak na mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa kinakailangang pinansyal na tulong, na magpapaangat sa kanilang katatagan sa ekonomiya sa harap ng mga pagsubok.

“Patuloy tayong magsusumikap upang ang programang ito ay makaabot sa mas maraming Pilipino. Sama-sama tayong babangon at makakabangon mula sa mga pagsubok na ito. Tuloy-tuloy ang ating pagsuporta sa ating mga kababayang nangangailangan,” giit pa ni Speaker Romualdez.