Calendar
AKAP pantulong sa mga empleyado ng maliliit na negosyo — Rep. Rillo
MALAKING tulong umano ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga empleyado ng maliliit na kompanya kaya dapat na ipagpatuloy ang programa.
Ayon kay Quezon City 4th District Rep. Marvin D. Rillo, miyembro ng House committee on appropriations, mas maraming ordinaryong empleyado ang matutulungan ng AKAP kung patuloy itong paglalaanan ng pondo.
“We expect the AKAP’s cash aid to help employees receiving ‘minimal’ wages such as those working for micro service and retail shops as well as small-scale producers,” ani Rillo sa isang pahayag.
Ginawa ni Rillo ang pahayag matapos na pangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang distribusyon ng AKAP sa mahigit 13,000 benepisyaryo, na karamihan ay mga empleyado ng maliliit na tindahan sa mga mall sa Quezon City.
“Employees of micro and small establishments in Metro Manila are particularly exposed to economic adversity because they receive lower wages,” sabi ni Rillo.
Ayon kay Rillo, bagamat itinakda ang minimum wage rate ng mga manggagawa sa Metro Manila sa P645 kada araw, ang minimum na sweldo ng mga empleyado ng mga service and retail shops na hindi lalagpas sa 15 ang empleyado at manufacturing entity na hindi lalagpas sa 10 ang empleyado ay P608 kada araw.
Iginiit ni Rillo na ang AKAP ay nagsisilbing “safeguard” sa mga ordinaryong empleyado na kinukulang ang kinikita sa kanilang pangangailangan.
Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Law, may nakalaang P26.7 bilyon para sa AKAP.
Para sa susunod na taon, ipinanukala ng Kamara de Representantes ang paglalaan ng P39.8 bilyon sa naturang programa.
“The bigger allocation simply means that the program will benefit more individuals whose families are struggling to make ends meet,” sabi ni Rillo.
Batay sa Memorandum Circular 30 series of 2024 na inilabas ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang mga benepisyaryo ng AKAP ay makatatanggap ng P1,000 hanggang P10,000 ayuda, depende sa uri ng tulong na ipagkakaloob sa mga ito.