Calendar
Aktor na si Vic Sotto, naghain ng reklamong cyberlibel laban sa Director ng The Rapist of Pepsi Paloma
NAGHAIN ng 19 na bilang na reklamong cyberlibel ang sikat na television host at aktor na si Vic Sotto o Marvic Sotto sa tunay na buhay laban sa direktor ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” na si Darryl Ray Spyke Yap.
Sa kanyang inihaing reklamo sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office Huwebes ng umaga, kasama ang maybahay na si Pauleen Luna-Sotto, sinabi ng aktor na nilabag ni Yap ang nakasaad sa Section 4(c)(4) ng R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 na may kaugnayan din sa Article 353 ng Revised Penal Code sa pamamagitan ng sadyang pagpo-post sa kanyang
Facebook page sa social media ng mga malisyoso at nakakasirang mga paratang na labis na nakasira sa kanyang reputasyon.
Ayon kay Sotto, hindi absolute o walang hangganan ang freedom of expression para siraan ang iniingatang reputasyon ng isang tao sa publiko partikular sa social media tulad ng ginawa ni Yap sa kanyang iniingatang pagkatao. “The freedom of expression, like all cherished rights, is never absolute. The exercise of a ‘right’ cannot infringe on another person’s rights,” nakasaad sa reklamo ng aktor.
Inakusahan ni Sotto si Yap na ang ginawa nitong pagpo-post ng nakasisirang paratang ay naglantad sa kanya sa pangungutya at paghamak ng publiko na dahilan upang dumanas siya ng labis na pagkabalisa at pag-iisip dahil sa winasak niyang reputasyon at kredibilidad.
Dahil dito, hiniling ni Sotto na magbayad ng P20 milyong moral damages at at P15 milyong exemplary damages si Yap upang hindi na aniya pamarisan ng iba.
Hindi pa kasama sa bayarin na hihingin ng aktor ang posibleng mawala sa kanyang malaking halaga sa oras na maapektuhan ang kanyang pagiging endorser ng iba’t-ibang produkto,
Hindi naman isinama ni Sotto sa reklamo ang mga gumanap sa naturang pelikula dahil trabaho lang aniya ng mga ito ang pagganap sa pelikula.
Nauna ng kinatigan ng korte ang petisyon ni Sotto noong Lunes na writ of habeas data sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) na humihiling na ipatigil ang pagpapalabas ng pelikula, trailer o anumang panoorin na may kaugnayan sa pelikulang “The Rapist of Pepsi Paloma.
Ipinaaalis din ni Muntinlupa RTC Presiding Judge Liezel Aquiatan ng Branch 205 sa social media ang mga naka-post na may kaugnayan sa pelikula, at pagbabawal sa sa pagss-share at pagre-repost nito.
Sinabi ni Atty. Enrique Dela Cruz, Sr., abogado ni Sotto, na hiniling nila sa hukuman na protektahan ang pribadong buhay ng kanyang kliyente dahil ang paratang na panggagahasa isang pribadong usapin at anumang sensitibong impormasyong ipakakalat ay may kaakibat nab anta sa buhay ng aktor, sa kanyang maybahay, at pambu-bully sa kanilang anak na nag-aaral.
May mga komento na umano ng pagbabanta sa pamilya ng aktor dahil sa pagkalat ng teaser na dahilan upang umupa na ng bodyguard si Sotto para proteksiyunan siya at kanyang pamilya.
Itinakda naman ni Judge Aquiatan ang pagdinig sa Enero 15, 2025 kaugnay sa naturang petisyon upang pasagutin si Director Darryl Yap.