Alaga

‘ALAGA’ DAPAT SA KABABAYAN HINDI SA SENADOR — LACSON

72 Views

Ipinagtanggol ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III laban sa mga pahayag na hindi umano nito “inaalagaan” ang mga kapwa senador, at sinabing hindi dapat sukatin ang liderato ng Senado batay sa materyal na pabor o pagkontrol sa pondo ng bayan.

Ayon kay Lacson, nakarating sa kanya na kabilang umano sa mga isyung ibinato kay Sotto ang hindi nito “pag-alaga” sa mga kasamahan, ngunit hindi niya tinukoy kung sino ang pinagmulan ng pahayag o kung ano ang batayan nito.

“Ang nakarating sa amin ang issue kay Sen. Sotto, hindi daw marunong mag-alaga ng kasamahan namin,” sabi ni Lacson.

Tinukoy din niya ang malaking halaga ng pondo ng bayan na, ayon sa kanya, wala kay Sotto upang ipamahagi, habang binabatikos ang aniya’y maling kahulugan ng “alaga” sa pulitika.

Sinabi ni Lacson na walang masama kung aalagaan ng isang lider ng Senado ang kanyang mga kasamahan sa tama at patas na paraan, ngunit tinutulan niya ang ideya na ang pag-alaga sa mga senador ay dapat mangahulugan ng materyal na akomodasyon gamit ang pera ng bayan.

“Ang alaga relative yan, ang alaga sa maayos at tamang pamamaraan that’s fair. Pero ang alaga na bubusugin kita, inalagaan kita, na di natin pera yan, pera ng bayan yan ipambubusog ko sa iyo, kung yan ang definition ng alaga e mag-pack up na tayong lahat,” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, ang mga salitang “kumusta kayo” at “aalagaan ko kayo” ay dapat ituon sa ordinaryong Pilipino, hindi lamang sa kapwa senador.

“Sila ang ating palagiang kukumustahin. Anong kalagayan ninyo, kaya nyo pa ba? Hindi ang trivial o sarili naming kapakanan na hindi nyo kami kinumusta,” sabi ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na ang bagong Senate minority bloc, na kinabibilangan niya, ay tumatalakay ng mga paraan upang makapag-ambag sa paggawa ng polisiya habang tumutulong na maibalik ang integridad ng Senado bilang institusyon.

“Ang nangunguna, and I can speak on their behalf, ang nangunguna pag nagdi-discuss kami, isalba ang institution. Kaya ang aking mensahe sa aking kababayan, kumusta kayo?,” sabi niya.

Sinabi rin ni Lacson na maaaring isa pang dahilan ng leadership change ang dati niyang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee, matapos magrekomenda ang komite ng karagdagang imbestigasyon sa ilang personalidad na iniugnay sa flood control issue.

“Isa pang dahilan, ako daw. Ang Blue Ribbon, may kasamahan kami na narecommend na makasuhan. E sa loob ko lang kung yan ang dahilan e di wala tayong magagawa. It is what it is. Ako siyempre ginawa ko trabaho ko,” sabi ni Lacson.

Ayon sa kanya, hindi niya maaaring balewalain ang ebidensya o pagtakpan ang mga kasamahan kung may ebidensyang tumuturo sa kanila.

“Kung isasama ng loob ng aking kasamahan ang aking pagganap ng tungkulin bilang chairman na di ko babalewalain ang mga pahayag o di ko isasama dahil kasamahan ko, saan ako lulugar? Sa aking palagay di ako para magtakip sa aking kasamahan,” sabi ni Lacson.

Sa pagbabago ng liderato sa Senado, naging Senate President si Alan Peter Cayetano habang si Sotto ay naging Senate Minority Leader. Patuloy namang hinaharap ng kapulungan ang committee assignments, ang May 13 security incident, at ang paghahandang may kaugnayan sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Lacson na dapat ituon ng Senado ang pansin sa kapakanan ng publiko at sa pagpapanumbalik ng integridad ng institusyon, hindi sa pagbibigay ng pabor sa pulitika sa pagitan ng mga senador.