PBA Alaska players. PBA photo

Alaska: Goodbye, PBA

Robert Andaya Feb 16, 2022
458 Views

GOODBYE, PBA.

Matapos ang 14 na kampeonato at natatanging grandslam nung 1996 sa mahigit na tatlong dekada ng paglalaro, nag-paalam na ang Alaska Milk sa Philippine Basketball Association (PBA).

Inanunsyo kahapon ng Wilfred Uytengsu-owned franchise, na unang lumahok sa liga nung 1986, ang malungkot na balita ng kanilang paglisan sa Asia’s first play-for-pay league sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup.

Ang Aces, na kasalukuyang may hawak na 3-2 win-loss record sa nasabing import-flavored conference, ay nakatakdang humarap laban sa Rain or Shine ngayong Huwebes.

“We thought long and hard before making this final decision. However, we believe that this will allow us to focus our resources on providing affordable nutrition for Filipino families,” pahayag ni Uytengsu sa isang official statement.

“The Aces franchise will always be very special to me. I had the good fortune of starting this franchise at the age of 24 and learning so much about the team dynamics and building championship teams from the players and coaching staff,” dagdag pa niya.

“As we bid farewell to our beloved Alaska Aces team, we thank all of you, loyal fans and supporters, for showing your love and support through all these years. May the memory of Alaska Aces live on forever.”

Ipinaliwanag pa ni Uytengsu na ang desisyon ay naaayon sa global directive ng kanilang parent company, FrieslandCampina, na ipatupad ang organizational transformation para matiyak ang long-term sustainability.

Sinabi naman ni Alaska team governor Richard Bachmann na nakipag-usap muna si Uytengsu kina PBA commissioner Willie Marcial at board chairman Ricky Vargas bago inanunsyo ang kanyang desisyon.

Dahil dito, magpapatawag ang PBA Board ng isang emergency meeting para pag-usapan ang napipintong pag-alis ng Alaska.

Ilang sa mga pangunahing issues na tatalakayin ay ang planong pagbenta ng prangkisa ng Alaska at ang magiging dispersal ng players sakaling hindi maisakatuparan ang bentahan. Ayon sa PBA rules, lahat ng Alaska players ay ilalagay sa dispersal draft na kung saan ang 11 member-teams ay lalahok.

Kasama sa Alaska team ngayon sina Jeron Teng, Abu Tratter, Mike Tolomia Robbie Herndon, Maverick Ahanmisi, Mike Digregorio, Kevin Racal, Bryan Faundo, RK Ilagan, Taylor Browne, Alec Stockton, Jaycee Marcelino, Rey Publico, Allyn Bulanadi at Ben Adamos.