Batangas

Alay Lakad 2025 isinagawa sa Batangas, mahigit P1.5M nalikom

636 Views

UMABOT sa mahigit ₱1.5 milyon ang nalikom na pondo ng Batangas City Alay Lakad 2025 sa isinagawang walk at programa na may temang “Hakbang para sa Gintong Kinabukasan ng mga Kabataan sa Lungsod,” noong Biyernes, Setyembre 12.

Pinangunahan nina Mayor Marvey Mariño, Congresswoman Beverley Dimacuha, espesyal na panauhin na si Luis Manzano, at mga  miyembro ng Alay Lakad Executive Committee (ExeCom), ang paglalakad na nagsimula ganap na alas-6 ng umaga at sinundan ng programa sa Batangas City Sports Coliseum.

Tinatayang 6,000 katao mula sa pribado at pampublikong sektor, kabilang ang mga paaralan, civic organizations, empleyado, at iba pang grupo, ang nakiisa sa gawaing ito.

Dumalo rin sina Vice Mayor Atty. Alyssa Cruz, mga konsehal, at board members ng lungsod.

Ang Alay Lakad ay taunang proyekto na naglalayong makalikom ng pondo para sa mga programang pangkabataan, kagaya ng scholarship.

Sa kasalukuyan, mayroong 43 scholars para sa taong 2024–2025, kung saan anim ang full scholars habang ang iba ay tumatanggap ng allowance.

Kabilang dito ang mga persons with disabilities, at mga mag-aaral sa high school at college.

Tampok sa programa ang pagpili ng Mutya ng Alay Lakad 2025 kung saan 11 kandidata mula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon ang lumahok.

Nagwagi bilang Mutya si Mary Margareth Sandoval ng University of Batangas (UB); 1st runner-up si Sheika Sivielle Moira Ramirez ng DepEd SDO Batangas; at 2nd runner-up si Chloe Andrea Macatangay ng Batangas Christian School.

Ginawaran naman ng Certificate of Appreciation ang Top 10 contributors noong nakaraang taon bilang pagkilala sa kanilang patuloy na suporta.

Sinabi ni Alay Lakad 2025 Chairperson Kon. Claudette Ambida ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng nakibahagi at nag-ambag at dahil sa mga suporta, mas maraming kabataan ang magkakaroon ng pagkakataong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.”