bro marianito

Alin ba ang mas mahalaga para sa iyo. Ang batas ng tao o ang batas ng Diyos? (Marcos 2:23-28)

409 Views

“Subalit sinagot sila ni Hesus. Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni Haring David noong siya at ang kaniyang mga kasamahan ay nangangailangan at nagugutom?” (Marcos 2:25)

NAAALALA ko nuong araw nung mga musmos pa lamang kami. Madalas sabihin sa amin ng aming Lola na kapag kami ay masyado daw maharot o sobrang likot, malimit niyang tinuturan sa amin na “Huwag kayong masyadong maligalig. Dahil nagagalit ang Diyos sa mga batang magulo”.

Kaya naman, takot na takot kaming maglikot at magharot. Dahil baka nga naman magalit ang Diyos sa amin bunsod ng pagiging maligalig namin, ayon sa sinabi sa amin ng aming Lola.

Ang sinabi sa amin ng aming Lola ang tumatak sa aming mga isipan na para bang isang batas ng Diyos na kailangan naming tumalima, kundi ay may naka-ambang kaparusahan mula sa Diyos sakaling kami ay lalabag.

Kaya minsan, ang batas ng Panginoong Diyos ay nagiging mahigpit at hindi makatao tuloy. Dahil na rin sa kagagawan mismo ng mga tao.

Binabago at binibigyan nila ng ibang interpretasyon ang totoong tuntunin ng batas ng Diyos na ang layunin ay para lamang ayusin ang pamumuhay ng isang tao.

Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Marcos 2:23-28) tungkol sa pagkakaroon ng maling interpretasyon ng mga Pariseo sa mga batas ng Diyos.

Sapagkat para sa kanila, napakahalaga na sundin ang mga batas ng Diyos kahit hindi na isa-alang alang ang kapakanan at kagalingan ng tao.

Nangyari ito nang minsang nagdaan si Hesus at mga Alagad niya sa bukirin ng trigo sa araw ng pamamahinga. Habang naglalakad ang mga Disipulo, nagsimula silang mamitas ng mga uhay. (Marcos 2: 23)

Kaya winika ng mga Pariseo kay Hesus na ang ginagawa ng kaniyang mga Alagad ay mahigpit na ipinagbabawal sa araw ng pamamahinga o ang araw ng Sabbath. Alinsunod sa paniniwala ng mga Judio.

Subalit agad na ipinagtanggol ng Panginoong Hesus ang kaniyang mga Alagad sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa ginawa nuon ni Haring David nang siya at ang kaniyang mga kasamahan ay magutom. (Marcos 2:25-26)

Kinain nila ang tinapay sa loob ng Templo na tanging mga Pari lamang ang maaaring kumain. Gayunman, hindi sila kinastigo ng Diyos dahil sa ginawa nila. (Marcos 2:25-26)

Sa naging paliwanag ni Hesus sa mga Pariseo, lumitaw lamang ang kakitiran ng kanilang mga isip at kawalang malasakit para sa mga taong nangangailangan. Lalo na sa mga taong nagugutom.

Ipinapaala-ala sa atin ng Pagbasa na makatarungan at maunawain ang ating Panginoong Diyos. Dahil para sa kaniya, mas mahalaga ang buhay ng tao kumpara sa anumang batas na ipinaiiral din ng mga tao. Sapagkat mas importante para sa Diyos ang ating kapakanan.

Ngunit minsan, ang tao na rin mismo ang nagbibigay ng maling interpretasyon sa mga batas ng ating Panginoong Diyos. Kaya nagkakaroon tuloy ng takot ang mga tao sa kaniyang mga batas na gawa gawa o inimbento lamang.

Ang batas ng tao at ang batas ng Panginoong Diyos ay binalangkas para ituwid ang tao at isaayos ang kaniyang buhay.

Hindi ito nilikha upang supilin ang kaniyang karapatan at iparamdam sa mga tao na mayroon siyang kalalagyan sakaling siya ay lumabag dito.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, turuan mo po kami na maging makatarungan tulad mo. Nawa’y mas unahin din namin ang kapakanan ng aming kapuwa dahil gaya mo. Nakapahalaga parin ang pagmamahal at malasakit sa mga tao kumpara sa pagpapairal ng anumang batas.

AMEN