Calendar
All systems go para sa pangatlong SONA ni PBBM
HANDANG-HANDA na ang Kamara de Representantes para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Kumpiyansa si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na sapat na ang mga ginawang hakbang ng Kamara sa paghahanda ng entabladong gagamitin ni Pangulong Marcos para sa makasaysayang talumpati nito.
Ayon kay Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, naging matagumpay ang huling interagency meeting sa pagitan ng Office of the President, dalawang Kapulungan ng Kongreso, at iba pang mga ahensya na ginanap noong Lunes, Hulyo 15, na naglalayong tiyakin na handa na ang lahat.
“The anticipation within the hallowed halls of this august chamber is palpable as we stand ready to hear and appreciate the accomplishments of the Marcos administration,” ayon kay Speaker Romualdez.
“It fills me with immense pride to recognize the significant role that the House of Representatives has played in crafting legislation and policies that promote the welfare of all Filipinos. We are excited for the President’s SONA because we know he has many positive developments to share with the nation,” dagdag pa ng mambabatas.
Sinabi ni Speaker Romualdez na bagama’t ang SONA ay pangunahing magpapakita ng mga tagumpay ng administrasyong Marcos, ilalahad din nito ang mga plano ng Pangulo para sa mga darating na taon, kabilang ang tungkulin ng Kongreso na maipatupad ang mga programa ng pamahalaan para sa sambayanang Pilipino.
“This important address will provide a comprehensive overview of the administration’s progress and set the stage for future legislative initiatives that will shape the nation’s path forward,” paliwanag pa ni Speaker Romualdez.
“And we, at the House of Representatives, are united with the President in his desire to advance the many reforms and programs he will announce during the SONA. This is a time for unity, and we fully support our President,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
Sinegundahan naman ni House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco ang pahayag ni Speaker Romualdez at sinabi na handa na ang Kamara sa pagdating hindi lamang ni Pangulong Marcos Jr. kundi maging ng mga senador sa pangunguna ni Senator Francis “Chiz” Escudero, miyembro ng gabinete at mga piling panauhin at mga kinatawan ng iba’t ibang bansa.
“I’m happy to report that the House of Representatives is ready, willing, and able to welcome all the guests to this third SONA of the President,” ayon kay Velasco.
Kabilang sa mga naging paghahanda, ayon kay Velasco, ay ang pagsasaayos ng traffic rerouting, pamamahagi ng mga imbitasyon sa mga dating pinuno ng bansa, opisyal ng pamahalaan, mga pangunahing stakeholder, at iba pang mahahalagang bisita, kasama na ang mga miyembro ng diplomatic community.
Sa ginanap na interagency meeting noong Lunes, tinalakay ang scenario ng pagdating ng Pangulo at mga panauhin, gayundin ang mga hakbang pang seguridad, bilang pagtiyak na may komprehensibong plano sa mga nakatalagang law enforcement personnel na mangangalaga sa lahat ng mga dadalo at mapanatili ang kaayusan.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon “Nap” Taas, nakalatag na rin ang mga seguridad upang tiyakin na magiging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng pagtitipon, sa pagtutulungan ng iba’t ibang security agencies.
Bukod dito, sinabi ni Velasco na mayroon ding nakahandang medical protocol para sa mga posibleng emergency, kung saan nakaantabay ang mga medical team at facilities.
Ginanap din noong Hulyo 15 ang “walk-through” sa mga daraanan ng Pangulong Marcos Jr. sa araw ng SONA, na pinangunahan nina Velasco, Taas at House Deputy Secretary General Grace Andres.