Women Sina TINGOG Party List Rep. Yedda Marie K. Romualdez at Bulacan 4th District Rep. Linabelle Ruth Villarica kasama ang mga kababaihang kongresista para sa pagdirawang ng Buwan ng Kababaihan.

All-women session sa Kamara para sa Buwan ng Kababaihan

570 Views

SA pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa Kongreso ngayong Marso, pansamantalang muling isinalin ang speakership at majority leadership sa mga babaeng mambabatas. Sa isang sesyon ng mga kababaihan sa plenaryo o tinatawag na All-Women Session noong Lunes, pinangunahan ito ng maybahay ni Speaker Ferdinand Martin Romuladez na si Tingog Party-list Congresswoman Yedda Marie L. Romualdez at Congresswoman Linabelle Ruth Villarica ng ika-apat na distrito ng Bulacan.

Si Romualdez ay tumatayong Chairman ng Association of Women Legislators Foundation,Inc. (AWLFI) at ng Committee on Accounts ng Kongreso. Si Villarica naman ay nasa kaniyang ikalawang termino bilang Presidente ng naturang asosasyon.

Itinalaga naman bilang acting Deputy Speakers ang mga kongresistang sina Florida Robes, Rosanna Vergara, Lorna Silverio, Anna York Bondoc, Ma. Lucille Nava, M.SD., Ruth Mariano-Hernandez, Midy Cua, Ysabel Maria Zamora, and Margarita Nograles.

Si Congresswoman Jocelyn Sy Limkaichong ay nagsilbing Majority Floor Leader kasama ng mga kongresistang sina Maria Theresa Collantes, Rachel Marguerite Del Mar, Emmarie Ouano-Dizon and Augustina Dominique Pancho bilang Deputy Majority Floor Leaders. Si Congresswoman Bernadette Herrera naman ang tumayo bilang Minority Floor Leader, habang si Congresswoman Marissa Magsino ay Deputy Minority Floor Leader.

Ilan din sa mga kongresista ang naglahad ng kanilang privilege speech patungkol sa iba’t ibang mga isyu ng kababaihan. Nanguna sa talumpati si House Committee on Women and Gender Equality Chairperson Geraldine Roman na tumalakay sa diskriminasyon bilang pangunahing sagabal sa sekswal na pagkakapantay-pantay o gender equality . Sinundan ito ng mga kongresistang sina Milagros Aquino-Magsaysay na nagsalita hinggil sa kalagayan ng mga nakatatandang kababaihan, Arlene Brosas hinggil sa trabaho at kababaihan, Drixie Mae Cardema hinggil sa mga ina at kanilang anak sa kamay ng mga rebelde, France Catsro hinggil sa mga kababaihang guro, Marie Bernadette Escudero hinggil sa sekswal na pagsasamantala sa mga bata at kababaihan o women and children sexual exploitation , Lani Mercado-Revilla hinggil sa kababaihang puwersang manggagawa o women’s labor force , Bai Dimple Mastura hinggil sa mga kababaihang Muslim sa larangan ng pamamahala at pamumuno, Divina Grace Yu hinggil sa on the women centers sa bansa, at Rene Ann Lourdes Matibag hinggil sa karahasan sa kababaihan at kabataan sa lugar ng trabaho.

Sa naturang All-Women Session, ipinasa ang House Resolution No. 802 na nagbibigay parangal sa aktres na Dolly De Leon sa kaniyang pagwagi bilang Best Supporting Actress sa Guldbagge Awards na ginanap sa Cirkus, Stockholm, Sweden. Ipinasa rin ang House Resolution No. 787 bilang pakikiramay sa naulilang pamilya ng batiking manunulat na si Lualhati Bautista na nasawi noong nakaraang Pebrero.

Sa kasakukuyan, mayroong 86 na kababaihang kongresista sa Kamara. Tatlo sa kanila ay may mataas na katungkulan : Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo and Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan at Deputy Speaker Camille Villar.