Vargas ALTODAP president Boy Vargas

ALTODAP: Insurance system sa PUVs pwede sa pribadong sasakyan

Jun I Legaspi May 26, 2025
87 Views

SA gitna ng patuloy na pagrepaso kasunod ng utos ni Pangulong Marcos na pag-aralan ng Department of Transportation (DOTr) ang panukalang dagdagan ang insurance benefits para sa mga pribadong sasakyan, iminungkahi ng isang transport group leader na maaaring silipin ang insurance system na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Boy Vargas, Pangulo ng Alliance Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ang kasalukuyang P400,000 insurance payment kada nasawi at P100,000 kada nasugatang pasahero sa ilalim ng tinatawag na “two-group” system para sa PUVs sapat at katanggap-tanggap para sa parehong mga motorista at mga insurance company.

“Tested and proven na itong sistemang ito at wala namang masama kung titingnan ito ng DOTr kung pwedeng i-implement sa mga pribadong sasakyan,” ani Vargas.

“Itong sistemang ito ang dahilan kung bakit kahit papaano kampante ang mga tsuper at operators ng PUVs dahil malaking halaga ang insurance payment. Baka uubra din ito sa mga private cars,” dagdag pa niya.

Kabilang ang ALTODAP sa mga pinakaaktibong grupo na nananawagan para sa patas na sistema ng insurance para sa lahat ng gumagamit ng kalsada.

Isa sa mga positibong aspeto ng kasalukuyang “two-group” insurance system para sa PUVs, ayon kay Vargas, ang “all-risk, no-fault” policy sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI), na pangunahing requisite sa pagkuha ng prangkisa mula sa Land Transportation and Franchising Board (LTFRB).

Sa ilalim ng patakarang ito, lahat ng pasahero ng PUV, kabilang ang drayber, saklaw ng insurance para sa pagkasawi o pagkasugat, anuman ang sanhi ng aksidente o kung sino ang may kasalanan.

Ang insurance para sa mga yunit ng PUV ay pantay na hinahati sa dalawang accredited insurance consortium sa ilalim ng “two-group” scheme upang mapadali ang aplikasyon at pagproseso ng claims.

Dahil mandatoryo ang PPAI sa pagkuha ng Certificate of Public Conveyance para sa prangkisa, mungkahi ni Vargas na ipatupad din ito sa mga pribadong sasakyan tuwing pagpaparehistro at pag-renew ng rehistro.

Sa kasalukuyan, ang insurance na kinakailangan sa pagpaparehistro ng pribadong sasakyan ay ang Compulsory Third Party Liability (CTPL), na madalas walang saysay dahil sa limitadong saklaw nito.

Ang LTFRB ang pangunahing nagpapatupad ng PPAI program.

Kapag ipinatupad ang mungkahi, ani Vargas, makikinabang ang mga drayber at pasahero ng mga pribadong sasakyan sa insurance claim na P400,000 kada nasawi at P100,000 kada nasugatang pasahero—kumpara sa kasalukuyang maximum na P200,000 na kailangang hatiin sa lahat ng biktima kung maraming nasangkot.