Pantaleon

Alvarez dapat kasuhan ng sedition — Romualdo

Mar Rodriguez Apr 15, 2024
94 Views

DAPAT sampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong “sedition” si dating House Speaker at Davao del Norte 1st Dist. Cong. Pantaleon “Bebot” D. Alvarez dahil sa panghihikayat nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta kay Pangulong Bongbong R. Marcos, Jr.

Ayon kay Camiguin Lone Dist. Cong. Jurdin Jesus M. Romualdo, ang ibinigay na pahayag ni Alvarez patungkol sa panawagan o panghihikayat nito sa mga miyembro ng AFP na mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Marcos, Jr. ay maituturing na isang sedition o rebellion.

Binigyang diin ni Romualdo na mistulang pinaliliyab ng dating House Speaker ang apoy ng pagkakahati-hati sa pagitan ng mga Pilipino dahil sa kaniyang mga naging pahayag sa mga panahon na nahaharap ang bansa sa iba’t-ibang krisis pang-ekonomiya at iba pang mga problema.

Ipinaliwanag ni Romualdo na “uncalled for” ang ibinigay na pahayag ng dating House Speaker sapagkat sa halip na pagkaisahin nito ang mga Pilipino. Lalo nitong itinutulak at sinusulsulan nito ang mga Pilipino na mag-aklas o marebelde laban sa pamahalaan.

“The remarks of the former Speaker are uncalled for. That is tantamount to act of sedition or rebellion. The response to the sedition statement should be the immediate filing of a criminal case so that the move to incite people including the military to rebel against the government will be nipped in the bud,” sabi ni Romualdo.

Nauna rito, sa ginanap na rally sa Tagum City, binanggit ni Alvarez sa kaniyang mensahe o talumpati ang panghihikayat sa mga miyembro ng military na mag-withdraw ng kanilang suporta kay PBBM.

Idinagdag pa ng kongresista na ang kasong sedition ay kaugnay sa pagbibigay ng pahayag o panunulsol sa isang grupo tulad ng AFP na gumawa ng mga pagkilos laban sa pamahalaan partikular na sa isang elected official na gaya ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na makikita sa naging aksiyon ni Alvarez.

“Clearly, what former Speaker Alvarez remarked during a rally in Tagum City falls within the purview of sedition,” dagdag pa ni Romualdo.