Calendar

‘Alyansa’ bets nangako ng mas may pangil na mga batas laban sa fake news




TRECE MARTIRES CITY — Naaalarma sa mabilis na pagkalat ng disinformation at digital deceptions, nangako ang mga pambato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na magsusulong ng mas matinding mga polisiya at mas matapang na pagpapatupad nito para labanan ang fake news, deepfakes at mga online misinformation.
Sa ginanap na press conference dito, sinabi ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na handa niyang i-file ulit ang isang panukala na magpaparusa sa mga gumagawa ng fake news kabilang ang lahat ng mga digital falsehoods o panlilinlang.
“Kasama sa Top 10 ko ‘yan—anti-fake news law at anti-fake content. If we make it back to the Senate, it’s one of the first bills I will file and penalties for those who produce those fake news,” sabi ni Sotto.
Inalala naman ni reelectionist Senator Francis “Tol” Tolentino na minsan siyang naging biktima ng maling pagbabalita kung saan ay na-involve daw siya sa pamamaril.
“Alam niyo naman na biktima din ako noong first week of March. ‘Di umano namaril daw ako, pero nag-apologize naman ‘yung isang news organization sa live TV,” wika ni Tolentino.
“I support any initiative that would ferret out the truth, exercise responsible journalism, without diminishing freedom of expression and of the press,” aniya.
Ayon naman kay ACT-CIS Representative at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, hindi lamang mga public officials ang apektado sa mga fake news kundi pati mga pangkaraniwang mamamayan.
“Hindi lang po gobyerno ang biktima niyan. Every individual nagiging biktima,” wika ni Tulfo.
Ipinaliwanag ni Tulfo na sandamakmak ang mga natatanggap na reklamo ng kanyang Action Center araw-araw kaugnay sa mga fake news sa social media.
“Kailangan ho tayo may batas doon pati ‘yung mga nagshe-share na ‘yan, sasabit din. Karamihan ho niyan hindi gobyerno—individual person ho ang tatamaan,” punto ni Tulfo.
Nanawagan din si Tulfo sa partisipasyon ng publiko. “Kapag alam mong fake, huwag mong i-share. Dapat may mabigat na parusa sa nagpapakalat ng fake content,” sabi nito.
Nais naman ni Makati City Mayor Abby Binay ng mas matapang na pagpapatupad ng batas kaugnay sa fake news.
“Kaya matapang ‘yung mga gumagawa ng fake news kasi iniisip nila, ‘di naman ako mahuhuli’,” sey ni Binay.
“Enforcement is key. Kailangan makahuli tayo, maka-sample tayo para mapakita natin sa lahat ng tao na we mean business,” paliwanag ni Binay.
Sabi naman ni dating Interior Secretary Benhur Abalos, nalampasan na ng cybercrime ang theft bilang most reported crime sa Pilipinas.
Inihalimbawa ni Abalos ang pagkalat sa online sites ng lumang video ng pagnanakaw, na pinapalabas na bago lamang.
Nais ni Abalos ng mas maayos na digital capability sa mga local level para malabanan ang fake news.
“Ibaba hanggang sa bawat city, bawat munisipyo ‘yung technological expertise. Dapat magkaroon ng non-uniformed personnel na i-train at i-update sa technology,” sabi ni Abalos.
“Our laws must catch up with the speed of technology. It should be a continued development program na pwedeng pondohan nang husto,” wika pa ni Abalos.