Alyansa1 Source: RTVM

‘Alyansa’ candidates nangakong sisiguraduhin ang pondo para sa Negros Island Region transition

Mar Rodriguez Feb 22, 2025
22 Views

TALISAY City, Negros Occidental — Nangako ang mga kandidatong senador mula sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na kanilang sisiguraduhin ang sapat na pondo para sa Negros Island Region (NIR), upang matiyak ang maayos nitong pagpapatupad matapos ang muling pagtatatag nito.

Ang pangakong ito ay kasunod ng mga pangamba na maaaring maantala ang buong transition ng bagong rehiyon, na binubuo ng Negros Occidental, Negros Oriental at Siquijor, dahil sa kakulangan sa budget.

Ayon kay dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, kailangang maisama ang pondo sa 2026 national budget, lalo na’t kasalukuyang inihahanda na ang susunod na National Expenditure Program (NEP).

“Kung makakaligtaan ito, the best thing to do is for Congress, particularly the Senate in our case, to make sure na magkaroon ng funding kasi ang daming i-o-organize na mga regional offices,” ani Lacson sa isang press conference nitong Biyernes.

Ipinunto rin niya na maraming pangunahing regional offices, kabilang ang National Economic and Development Authority (NEDA), ang wala pang permanenteng liderato at pasilidad.

“Walang regional office ang NEDA, pati ang iba pang implementing agencies. Kailangan talagang siguraduhing may pondo sa 2026 budget,” dagdag niya.

Kung kailangan agad ng pondo, iminungkahi ni Lacson na maaaring gamitin ang unprogrammed funds sa ilalim ng President’s Special Purpose Fund.

“As long as there is an item or items in the 2025 budget that need to be augmented by the President, then puwede siyang humugot sa unprogrammed funds under the Special Purpose Fund at puwede namang gawin lang ‘yun,” paliwanag niya.

Hinimok din ni Lacson ang opisyal na pagkilala sa Siquijor sa pangalan ng rehiyon, na aniya ay dapat tawaging NISR o Negros Island and Siquijor Region.

“Dapat NISR kasi nakalimutan ang Siquijor. Kawawa naman kasi kapag sinabi mong NIR, parang na-set aside mo ‘yung isang small island na Siquijor,” aniya.

Samantala, binigyang-diin naman ni reelectionist Senator Francis “Tol” Tolentino ang agarang pangangailangan ng pondo para sa pagtatayo ng mga regional offices at imprastruktura, kabilang ang Philippine National Police (PNP) regional headquarters sa Kabankalan.

Ipinaliwanag din niya na habang ang operating budgets ng mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nananatili sa kanilang dating rehiyon, kakailanganin pa rin ng karagdagang pondo para sa relokasyon at operasyon.

Binigyang-diin din ni Tolentino ang pangangailangan ng disaster response funding, lalo na’t marami pa ring evacuees dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon.

“May problema lang tayo ngayon sa DSWD at tsaka siguro OCD (Office of Civil Defense) kasi putok pa ng putok itong Kanlaon. Halos walong buwan na ‘yung nasa evacuation center sa La Castellana, sa Kanlaon at sa mga adjoining areas. Iyon ‘yung malaking budgetary outlay ang kailangan,” aniya.

Hinikayat din ni Tolentino ang Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang pagbibigay ng transition funding, kasabay ng pagbibigay ng halimbawa kung paano niya natulungan ang Sulu noong inalis ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Ginawa na po natin ito noong sa Sulu. Noong tinanggal po ‘yung Sulu sa BARMM, ako po ‘yung, modesty aside, nagtulak na ‘wag maiwan ‘yung Sulu kasi mawawalan ng sweldo ‘yung mga pulis, ‘yung mga teacher sa Sulu,” paliwanag niya.

Habang wala pang permanenteng regional offices, iminungkahi ni Tolentino na maaaring magrenta muna ng pansamantalang opisina ang mga ahensya, tulad ng ginawa sa Regions 6 at 7.

“So, in the spirit of transition, habang wala pa sa 2026 GAA (General Appropriations Act), a lot of things can be done except siguro iyong pagtatayo ng mga bagong gusali kung saan ‘yung kanilang mga bagong regional offices,” aniya.

“Pero pwede naman ‘yung rental. Nagre-rent naman dati sa Region 6, so puwede rin pong ganoon ang gawin kung saan sila malo-locate ngayon,” dagdag niya.

Ang NIR ay muling itinatag sa pamamagitan ng Republic Act No. 12000, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang mapahusay ang pamamahala at mapabuti ang serbisyo sa mga lalawigan ng Negros Occidental, Negros Oriental at Siquijor.

Tiniyak nina Lacson at Tolentino na kanilang ipaglalaban ang sapat na pondo sa 2026 budget habang nakikipagtulungan sa DBM, NEDA at mga lokal na opisyal upang tugunan ang agarang pangangailangan ng rehiyon.

Bukod kina Lacson at Tolentino, kabilang din sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abigail Binay, Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, dating Senator Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, House Deputy Majority Leader at dating DSWD Secretary Erwin Tulfo, at Deputy Speaker Camille Villar.