Kulong Himas rehas ang suspek na ama matapos umanong molestiyahin ang 16-anyos niyang anak na babae sa Tondo, Manila. Kuha ni JON-JON C. REYES

Ama, 44, hinawakan maselang bahagi ng anak, 16; timbog

Jon-jon Reyes Sep 30, 2024
7 Views

NATIMBOG ang 44-anyos na tatay ng mga barangay tanod matapos umanong halayin ang kanyang 16-anyos na anak sa Kagandahan St., Tondo, Manila, noong Lunes.

Ayon sa salaysay ng biktima, bandang alas-11:15 ng gabi nang dumating ang kanyang ama na kinilala na si alyas “Cris” sa kanilang bahay.

Tinawag siya ng kanyang ama at hiniling na i-massage ang likod nito.

Habang minamasahe niya ang suspek, bigla siyang hinila at pilit na hinubaran at hinawakan ang maselang bahagi ng katawan niya.

Itinulak ng biktima ang kanyang ama at mabilis na humingi ng tulong sa mga tauhan ng Brgy. 163 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Agad namang itinurn over ng mga barangay tanod ang suspek sa Women and Children Protection Section ng pulisya para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, ang suspek.