Taguinota Ipinagmamalaki ni Arveen Naeem Taguinota II (ikatlo mula kaliwa) ang kanyang pag-langoy sa Batang Pinoy National Championships sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Puerto Princesa, Palawan. Nasa larawan din si PSC executive director Paulo Trinidad. PSC photo

Amaro nagtala ng 2 swimming records

15 Views

PUERTO Princesa City.– Itinala ni Albert Jose Amaro II ang kanyang ikalawang bagong record sa swimming habang dinomina ng magkapatid na sina Lexi at Aerice Dormitorio ng Quezon City ang cycling sa pagwawagi ng tatlong gintong medalya sa pagpapatuloy ng 2024 Batang Pinoy National Championships sa iba’t-ibang lugar dito sa Palawan.

Sinisid ng 17-anyos na bitbit ang Naga City na si Amaro ang kabuuang tatlong ginto kung saan binura at mas pinabilis nito ang dalawa sa kanyang mga dating itinalang record sa Boys 16-17 100m at 50m freestyle upang maging unang swimmer na nakapagtala ng mga bagong record sa ginaganap na multi-sport na torneo.

Isinumite ni Amaro ang 52.29 segundo sa 100m freestyle upang tabunan ang kanyang dating record na 53.29 segundo habang pinabilis nito sa 24.32 segundo ang kanya din dating tiyempo na 24.53 segundo sa 50m freestyle.

May kabuuang siyam na record ang nabura sa swimming sa torneo na suportado ng Puerto Princesa City, Pocari at Summit Mineral Water.

Nagtala din ng record si Arvin Naeem Taguinota ng Pasig City sa Boys 12-13 200m IM (2:22.02), Ashton Clyde Jose ng City of Taguig sa Boys 14-15 200 IM (2:14.08), Anton Paulo Dominick Della ng San Fernando City, La Union sa Boys 16-17 200 IM (2:15.58), at Jaime Ulandorr Maniago ng Quezon City sa Boys 16-17 breaststroke (1:06.78).

.Kasama din si Catherine Cruz ng Mabalacat City na nagbura ng record sa Girls 16-17 200m breaststroke (2:28.71), Juan Alessandro Suarez ng Davao City sa Boys 16-17 200m breaststroke (2:25.72) at si Sealtiel Cherrie Daiz II ng Makati City sa Girls 200m breaststroke sa 2:47.39 minuto sa mga kasalukuyang nagtala ng record sa swimming.

Nakamit din ni Taguinota ang panglimang gintong medalya sa pagwawagi sa Boys 12-13 100m backstroke (1:04.30m) at pagtulong sa Team Pasig sa Boys 12-13 4x50m freestyle Relay sa oras na 1:47.44 kasama sina Ricardo Delgado, Marcelino Picandal III, at Jefferson Saburlase sa ikaapat na araw ng kompetisyon.

Nagwagi ito sa Boys 12-13 200m backstroke (2:19.88), 200 LC Meter IM (2:22.02), at 100 LC Meter freestyle (57.92),

Apat na ginto din ang iniuwi ni gayundin si Sophia Rose Garra ng Malabon City na huling nagwagi sa Girls 12-13 100m backstroke sa oras nito na 1:08.77 minuto.

Idinagdag naman ni Lexi Dormitorio ang gintong medalya ng Girls 16-17 XCE sa kanyang titulo sa XCO, habang winalis ng nakababatang kapatid na si Aerice ang Girls 12-13 XCO at XCE events.

Parehong dominasyon ang ipinakita ni Shyra Mae Rizalado (Davao City) sa Girls 14-15 XCO at XCE, Nathaniel Dalano (Tabuk City) sa Boys’ 12-13 at Laurent Balog (Tabuk City) sa Boys’ 14-15.

Nagpakilala din si Jemuel Loyd Aggalao ng Tabuk City sa pag-aagaw pansin sa Batang Pinoy MTB Cycling na ginanap sa Tiniguiban Elementary School.

Naungusan ni Agallao si Thirdy Mana-ay ng Iloilo Province sa Boys 16-17 XCE (Cross Country Eliminator). Si Mana-ay, miyembro ng Go For Gold team, ay isang gold medalist sa kamakailang Asean Championship at Batang Pinoy 14-15 Category nakaraang taon.

Samantala’y pitong boxers ng Cagayan De Oro Boxing ang nakasiguro ng tansong medalya matapos makapasok sa semifinals ng boxing competition na ginaganap sa San Jose National High School.

Ito ay sina Manuel Payla (38-40kgs), Jobert Abragan (40-42kgs), Erjhon Caballero (46kgs), Chris Gabril Caranay (48kgs), Ivan Llaban (46kgs) Steven Mancia (54kgs), at nag-iisang women boxer na si Merjoy Canoy (54kgs).