Khonghun House Assistant Majority Leader Jay Khonghun

AML Khonghun sa planong impeachment vs VP Sara: ‘Nasa konsensiya na nila kung susuporta sila’

51 Views

KUNG sakaling ihain ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni House Assistant Majority Leader (AML) Jay Khonghun na ang desisyon kung susuporta sa impeachment ay nakasalalay sa konsensiya ng bawat miyembro ng Kamara.

“Lahat naman ng tao may karapatan na mag-file ng impeachment. Nasa kanya-kanyang konsensiya na ‘yan ng bawat miyembro ng Kamara kung susuporta sila,” ani Khonghun.

Ang bise presidente ay kasalukuyang hinaharap ang mga alegasyon tulad ng maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), pati na rin ang umano’y death threats laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dahil dito, nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) upang alamin ang katotohanan sa mga alegasyon.

Di pa tinatalakay ng liderato ng Kamara

Nilinaw ni Khonghun na hindi pa pormal na tinatalakay ng liderato ng Kamara ang anumang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo, dahil abala ang mga miyembro sa kani-kanilang tungkulin bilang mambabatas.

“Kami kasi sa administrasyon, hindi pa namin pinag-uusapan patungkol sa impeachment dahil abalang-abalang kami lalung-lalo na dito sa aming mga gawain sa Kongreso,” ani Khonghun.

“Gusto natin malaman kung ano ang katotohanan, lalo na sa confidential funds ng OVP at DepEd.”

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbusisi sa isyu ng P612.5 milyong confidential funds na umano’y nagamit ng OVP at DepEd.

Samantala, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon committee, na wala pa siyang natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa liderato ng Kamara kaugnay ng impeachment.

“Wala naman po akong nare-receive na communication,” ani Chua.

Idiniin naman ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na hindi sila naaapektuhan ng mga umano’y “diversionary tactics” na naglalayong ilihis ang atensiyon mula sa mga legislative hearings.

“Hindi rin po kami natamaan ng mga diversionary tactics. Naka-focus po kami sa mga iba’t ibang hearings,” ani Ortega.

Ayon kay Chua, ang pangunahing layunin ng kanilang imbestigasyon ay para sa paggawa ng mga batas.

“By next week, mag-file kami ng mga House bills na naging produkto po nito pong investigation,” ani Chua.

Tiniyak ni Ortega na ipagpapatuloy ng Kamara ang kanilang trabaho sa kabila ng mga kontrobersiya.

“We will stick with that and we will still continue kung anong trabaho na ginagawa namin sa House of Representatives,” ani Ortega.