Calendar
AMLC hinimok silipin financial transactions ni Quiboloy
HINIMOK ng isang lady solon ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na imbestigahan ang mga financial transaction ng kontrobersyal na televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy, na isinasangkot sa money laundering at iba pang seryosong kaso sa Estados Unidos.
Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, dapat ay agad na umaksyon ang gobyerno ng Pilipinas matapos i-freeze ng gobyerno ng Amerika ang mga ari-arian ni Quiboloy, matapos itong masampahan ng kaso sa California tatlong taon na ang nakararaan.
“Such developments should compel [Philippine authorities] to conduct an exhaustive investigation on Pastor Quiboloy’s offenses and financial transactions,” sabi ni Brosas.
Binigyan-diin ni Brosas ang kahalagahan na makagawa ng mga tamang legal na hakbang kaugnay ng kaso ni Quiboloy.
Posible umanong matukoy sa gagawing imbestigasyon ng AMLC ang mga money laundering activities at kuwestyunableng transaksyon na may kaugnayan kay Quiboloy at sa pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Maaari umanong magamit ang kaso ni Quiboloy upang mapalakas ang financial regulatory framework ng bansa.
Noong Disyembre 2022, ipinag-utos ng US Department of Treasury ang pagharang sa anumang transaksyon sa mga ari-arian ni Quiboloy sa Amerika sa ilalim ng Magnitsky Act.
Sa isang pahayag, sinabi ng US Treasury na si Quiboloy umano ay sangkot sa “serious human rights abuses, including a pattern of systemic and pervasive rape of minors as young as 11 years old, and other physical abuse.”
Pinagbawalan din ng gobyerno ng Amerika ang pagpapadala ng donasyon mula roon kay Quiboloy na nasa Pilipinas.
Ipinunto ng US Treasury Department na nasa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation o FBI si Quibuloy.
Si Quiboloy at mga kasama nito sa KOJC ay kinasuhan ng federal grand jury sa US District Court sa Central District of California ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; at bulk cash smuggling.
Isang federal warrant ang ipinalabas laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021.
Iginiit naman ng kampo ni Quiboloy na walang basehan ang alegasyon laban sa lider ng KOJC. Sinabi ng kampo nito na nilabag ng gobyerno ng US ang karapatan ni Quiboloy sa due process.