Suarez

Amyenda ng Kamara sa Rice tariffication law pinakokopya sa Senado

Mar Rodriguez May 20, 2024
115 Views

ILANG araw bago ang sine die adjournment ng sesyon ng Kongreso, hinimok ng mga lider ng Kamara de Representantes ang Senado na isaalang-alang ang agarang pagpasa ng panukalang batas na naglalayong mapababa ang presyo ng bigas.

Layunin ng House BILL (HB) No. 10381 na amyendahan ang Republic Act (RA) No. 8178 o ang Agricultural Tariffication Act, na inaasahang ipapasa ng Kamara sa Martes.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Representative David “Jay-jay” Suarez; na umaasa siyang maglalaan ng panahon ang mga senador upang aprubahan ang panukalang batas na magpapababa ng hanggang P15 ang presyo ng bigas, na malaking tulong upang mapagaan ang pasanin ng mamamayan.

Ilang mga senador naman ang nagpahayag ng pagtutol sa panukala sa pangambang maibalik ang kontrol ng pag-aangkat at pagbebenta ng bigas sa National Food Authority (NFA) na una na ring nasangkot sa korupsyon.

Ayon kay Suarez, ang panukalang pagbabago, partikular na tungkol sa NFA ay walang kinalaman sa korapsyon kundi ito ay hakbang upang matiyak ang seguridad ng pagkain at pagpapababa ng presyo ng bigas.

“Kung maipasa po natin ito at maisabatas at ma-implement sa mabilis na panahon, mapapababa kaagad natin ang presyo ng bigas by almost P15,” ayon kay Suarez.

Ani Suarez, “I think that in itself is an objective we should all be united for. So I hope the Senate can act on that.”

Hinimok din ni House Assistant Majority Leader at Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora ang Senado na i-adopt ang bersyon ng Kamara upang mapabilis ang pagpasa ng panukala lalo’t magtatapos na ang second regular session ng 19th Congress.

“Kahit na three days to go na lang, umaasa po kami na ‘yung aming mga Senate counterparts, ang wish namin, i-adopt na lang sana nila ‘yung House version para hindi na po kailangang dumaan sa bicam, and therefore, mas mapabilis ang pagpasa nitong pag-amyenda sa Rice Tariffication Law,” anito.

Binigyan diin naman nina Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District) at Francisco Paolo Ortega V (La Union, 1st District) ang kahalagahan ng panukala na makatutulong sa gobyerno na mapabuti ang kakayahan nitong mag-imbak ng bigas at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas sa panahon ng emergency at kakulangan ng suplay.

“Nakikiusap tayo sa mga counterpart natin sa Senado na para din sa seguridad ng bigas sa bansa eh sana pag-isipan nilang mabuti at maipasa ang batas na ito,” ayon kay Khonghun.

Ayon pa kay Ortega, ilang mga senador na rin ang nagpahayag ng pagsang-ayon sa panukala ng Kamara, at hinimok nang agarang kumilos dahil itinuturing ito bilang ‘urgent bill’.

“So, habang wala naman po silang sinasalang pa na alternatives or amendments, we are still hopeful that they will act on this kasi nga po it is already treated as an urgent measure,” ayon kay Ortega.