Andrea Marie Sychangco-Mendoza Andrea Marie Sychangco-Mendoza

Anak ni LTO chief Mendoza na Ateneo graduate, nakapasa sa 2024 Bar exams

Jun I Legaspi Dec 13, 2024
67 Views

MASAYA at buong pagmamalaking sinalubong ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang tagumpay ng kanyang anak na si Andrea Marie Sychangco Mendoza matapos itong pumasa sa 2024 Bar Examinations. Inilabas ang resulta noong Biyernes, ika-13 ng Disyembre.

Isa si Assec Mendoza sa mga magulang ng bar examinees na taimtim na nanalangin at umasa na makakapasa ang kanilang mga anak sa bar exams, na kinikilalang isa sa pinakamahirap na pagsusulit para sa isang propesyon.

“Mas matindi pa ang kaba na naramdaman ko noong ako ay nag-aabang sa resulta ng bar examinations. Ngayon naiitindihan ko na ang naramdaman ng aking mga magulang,” ani Assec Mendoza, na pumasa sa Bar Exams noong 1989.

Hindi napigilan ni Assec Mendoza na mapasigaw ng malakas na “Yes!” nang makita ang pangalan ng kanyang anak na si Andrea Marie Mendoza sa listahan ng mga pumasa.

Katulad ng kanyang ama, nagtapos si Andrea Marie ng kanyang law degree sa Ateneo Law School.

“Sinasabi nilang malas daw ang Friday the 13th. Para sa amin, itinuturing naming isa ito sa pinakamasuwerte naming araw bilang pamilya,” ani Assec Mendoza.

Binati rin ni Assec Mendoza ang 3,962 na bagong abogado ngayong taon. Ayon sa Korte Suprema, ang passing rate ngayong taon ay nasa 37.84%.

Para naman sa mga hindi pinalad, hinimok ni Assec Mendoza ang mga ito na huwag sumuko at ipagpatuloy ang pagsisikap hanggang makamit ang pangarap na maging abogado.

“Ang hindi pagpasa sa Bar Exam ay hindi katapusan ng mundo para sa inyo. Marami akong kilalang abogado na dalawang beses o higit pa kumuha ng Bar Exams at ngayon ay matagumpay na. Kaya’t huwag mawalan ng pag-asa. Subukan ninyo ulit hanggang makamit ninyo ang inyong pangarap,” dagdag ni Assec Mendoza.

Samantala, inatasan ni Assec Mendoza ang lahat ng Regional Directors at LTO unit heads na alamin kung may mga empleyado ng LTO na pumasa rin ngayong taon sa Bar Exams. Balak niyang magdaos ng selebrasyon para sa mga ito.(Jun I. Legaspi)