bro marianito

Ang aking naging buhay bago pa man ako tinawag ng panginoong diyos pra magsilbi sa kaniya

338 Views

–Ikalawang Yugto (2)

PAGKALABAS ko nang Santo Domingo Church pagkatapos kong pagsisihan at mataimtim na hingin ang kapatawaran ng ating Panginoong Diyos para sa lahat ng napakarami at laksa-laksang kasalanan na ginawa ko sa buong buhay ko.

Nagawa kong lumuhod sa harapan ng altar na nakataas ang mga kamay na tanda ng pagsuko ko sa kalooban ng Diyos.

Sa hindi maipaliwanag na pangyayari, bigla kong naramdaman ang pagpapala at kapatawaran ng ating mahabaging Diyos. Gumaan ang aking pakiramdam na para bang lumabas ang lahat ng marurumi at maiitim sa aking puso at kaluluwa. Ganoon ang pakiramdam ko nang mga oras na iyon.

Sinasabi sa Sulat ni Isaias na: “Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan. Kayo’y aking papuputiin tulad ng yelo o bulak”. (Isaias 1:18) Napaka-itim man ng aking budhi at kaluluwa, ito’y nilinis at pinaputi ng ating Panginoon.

Pinatawad na nga ako ng Panginoon sa lahat ng aking mga kasalanan. Mula noon, sinisikap ko nang ituwid ang lahat ng aking mga naging pagkakamali. Sinabi ko sa aking sarili, kailangan ay patunayan ko sa Diyos na “totoong nagsisi ako sa aking mga kasalanan”.

May mga dumarating na pagsubok upang subukan kung hanggang saan tatagal at hahantong ang aking pagbabalik loob at pagbabagong buhay. Minsan, ako mismo ay naitatanong ko sa aking sarili. “Totoo na kayang nagbabagong buhay na ako”. Dahil ni sa hinagap ay hindi ko lubos maisip na aabot ako sa ganitong sitwasyon.

Hindi ko inakala na magiging makatotohanan ang pagiging maka-Diyos ko. Dati akong Sakristan (Tarcisian) sa San Pedro Bautista Church pero parang hindi ko ito sineseryoso dahil ang pamumuhay ko ay makasalanan parin.

Nagsisilbi ako sa Diyos bilang “Altar boy” subalit hindi ko alam ang totoong kahulugan ng “papanalig sa Panginoong Diyos”. Basta’t ang alam ko lang ay nagsisilbi ako sa Misa, hanggang ganoon lang ang aking pananalig. Nagdadasal ako pero wala rin sa loob ko ang aking pagadarasal dahil hindi ito nagumula sa puso.

Minsan, habang ako’y nagmamaneho papasok sa aking opisina biglang pumasok sa aking isip ang paglilingkod sa ating Panginoon bilang isang Lay Minister. Kaya nasabi ko, “Lord, gusto mo ba akong magsilbi sayo bilang Lay Minister?”

Ngunit, medyo nangingiti ako sa aking sarili. Sapagkat ang alam kong Lay Minister ay yung mga matatanda na nagbibigay ng Communion sa Misa. Ni minsan ay hindi ko rin pinangarap na maging isang Lay Minister.

May halong pangangantiyaw ang tumatakbo sa aking isip na nagsasabing “Mga amoy lupa na yung mga Lay Minister, wala kong alam na batang Lay”. Kaya napa-isip ako kung ano ba itong plano ng Diyos sa akin at pina-isip niya sa akin ang pumasok na Lay Minister gayang hindi pa naman ako matanda.

Kaya ang sabi ko sa Panginoon, “Lord, kung talagang gusto mo akong magsilbi sa’yo bilang Lay Minister. Bigyan mo ako ng palatandaan (sign) na tinatawag mo nga ako para dito”. Naghintay ako ng matagal para sa “sign” o palatandaan ng Diyos.

Nang hindi dumarating ang “sign” na hinihingi ko sa Diyos. Kaya’t parang may paghahamon na sinasabi ko sa kaniya na: “Lord, kung talagang nais mong magsilbi talaga ako sa’yo bilang isang Lay Minister, ganito ang deal natin, kapag pumasok sa Finals ang Ginebra magse-serve ako sa’yo bilang Lay Minister sa Santo Domingo.

Ganito ang tumatabo sa utak ko: “Tignan ko nga kung talagang totoo bang may Diyos”. Pagkatapos nito, nakapasok nga ang Ginebra noong 2013 Second Conference (Ginebra vs Alaska). Matapos nilang talunin ang koponan ng Talk N’ Text sa isang “do-or-die” match.

Nang mapanood ko ang pagkapanalo ng Ginebra sa ilalim ni Coach Al Francis Chua, bigla akong naiyak at nasabi na totoo pala ang Diyos. Dahil bagama’t “Sarado Katoliko” ang mga magulang ko, mayroon pa rin akong pagdududa tungkol sa Diyos.

Bilang “palabra de honor o word of honor” sa ating Panginoong Diyos, nagpunta ako sa Santo Domingo Church at nagtanong sa “front desk” ng Simbahan kung papaano akong makakapasok bilang isang Lay Minister. Itinuro ako kay Bro. Daniel Yebra.

Pinadalo ako ni Bro. Daniel sa isang pagtitipon o meeting ng mga Lay Minister (Isang araw ng Linggo). Doon ko nakilala sina Bro. Ben Maglaque (Si Bro. Ben ang nagbibigay sa akin ng Communion bago ako napasok sa Lay Minister), Bro. Bernard Bernal, Bro. Bernard Pena at Bro. Chito Vinegas.

Nilapitan ako ni Bro. Chito Vinegas at magiliw niya akong kinausap. Sinabi niya sa akin ang mga salitang ito. “Napaka-palad mo Brother, dahil si Lord mismo ang tumawag sa’yo. Mahal ka kasi ni Lord kaya na naririto”.

Habang sinasabi niya ang mga salitang ito, pinipigil kong maiyak at sinisikap kong magpakatatag. Subalit nang sabihin niyang,”Tinawag ka ni Lord”, doon ay hindi ko na napigil ang maluha at maramdaman ang pag-ibig ni Jesus para sa akin.

Habang sinasabi iyon ni Bro. Chito, naaalala ko ang gabing lumuhod ako sa gitna ng altar. Sapagkat habang kinakausap ako ni Bro. Chito, ang rumerehistro sa aking isip ay ang “Kristong” nakapako sa Krus na nasa gitna ng altar. Nasabi ko sa aking sarili, tunay ngang tinawag ako ng taong ang pangalan ay JESUS.

MAY KARUGTONG……