Louis Biraogo

Ang gagawing ‘pandaraya’ ni Robredo

407 Views

ANG kampanya ni Bise-presidente Robredo sa pagkapangulo ng Pilipinas ngayong darating na halalan ng 2022, sa pamamahala ni dating Senador Bam Aquino, ay nagsimula sa isang madiing paninirang pangangampanya (negative campaigning).

Tinawag ni Robredo ang kanyang pangunahing katunggali, si dating Senador Bong Bong Marcos (BBM), na sinungaling, tamad, magnanakaw, hindi tapos sa kolehiyo, anak ng diktador, hindi nagbabayad ng buwis, at iba pang panglalait.

Ang paninirang pangangampanya ay madalas ginagamit sa mga halalan sa Estados Unidos, kaya may batayan ang hinala ng iba na may mga tagapayo ang kampo ni Robredo na mga Amerikano.

Sa mga pag-aaral na ginawa sa Estados Unidos at iba pang lugar, napatunayan ng mga dalubhasa na ang paninirang pangangampanya ay mabisang paraan upang mapabagsak ang tiwala ng mga botante sa isang kandidato.

Kaya inasahan na ang ginawang paninira kay BBM ay magbabawas ng puntos sa kanya, o di kaya, magdudulot ng karagdagang puntos kay Robredo sa mga gagawing pananaliksik sa pulso ng mga botante (voters’ preference survey). Ngunit, salungat sa inaasahan, hindi naging makabuluhan ang ginawang paninirang pangangampanya. Kaya, hindi gumalaw ang antas ni Robredo, ganyun din ang kay BBM. Nanatiling labis na nangunguna si BBM, at si Robredo ay malayong pumapangalawa.

Kumambiyo ng taktika ang kampo ni Robredo. Napagpasiyahan na kailangang ipakita na mali ang ipinapahayag ng mga pananaliksik sa pulso ng mga botante sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga malalaking pagtitipon-tipong pampulitika (political rallies) sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Kahit na nagkaroon nga ng mga pagtitipon-tipon na dinaluhan ng marami-rami, hindi naman ito nakaligtas sa mga pagpuna na ang gayon ay gumamit ng mga bayaran at hinakot na mga kalahok.

Gayunpaman, inasahang may mangyayari na pagbabago sa puntos na nakukuha ni Robredo at ni BBM. Kaya, ang laki ng tuwa ng kampo ni Robredo ng umakyat nga ng siyam na puntos ang pambato nila sa ginawang pananaliksik sa mga panahon na iyon.

Ngunit, napuna ng mga dalubhasang manunuri na kahit bumaba ng bahagya ang puntos ni BBM sa mga pananaliksik, hindi ito makabuluhan sa istatistika, at malayong malalampasan ni Robredo si BBM sa iksi ng panahon na nalalabi sa kampanya.

Kaya, naisipan ng kampo ni Robredo ang taktika na pagbabahay-bahay na kampanya. Dahil lubhang matrabaho ang taktikang pagbabahay-bahay, nakikitang ginagawa lamang ito sa halalan ng mga barangay o maliliit na lungsod kung saan hindi kalakihan ang lugar na sasakupin. Ngunit kahit kaduda-duda ang bisa nito, sinubukan pa rin ng kampo ni Robredo ang pagbabahay-bahay na kampanya. Desperado na kaya, sa puntong ito, ang kampo ni Robredo?

May mga naisipan pa ang kampo ni Robredo na maaaring makatulong sa pag-usad ng kampanya nito. Naisipan ng kampo ni Robredo na paatrasin sa halalan ang mga katunggali upang magiging isa-laban-sa-isa ang labanan.

Ngunit, ito’y hindi tinanggap ng mabuti ng mga inalok ng kampo ni Robredo na umatras sa halalan. Kaya sa isang panayam na ginanap noong Piyesta ng Linggo ng Pagkabuhay, nagpahayag ang lima sa mga inalok ng kampo ni Robredo na umatras ng kanilang hinanakit, o galit, sa hindi katanggap-tanggap na nadama nilang pagmamataas at pambabastos ni Robredo sa kanila.

Isiniwalat sa ginawang pulong ng midya na sa gayong pag-alok na sila’y umatras sa halalan, iisa lang ang pinarating na layunin – ang pigilan si BBM na manalo. Ang hinanakit ng mga katunggaling pinapa-atras, ay hindi man lang pinag-usapan ang kani-kanilang mga prinsipyo sa pamunuan at hangarin para sa bayan. Ang tanging nagpapa-andar sa mga ito ay ang makuha ang kapangyarihan ng pamahalaan.

Samakatuwid, pumalpak ang tinangkang pagpapa-atras ng mga kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo at pagkapangalawang-pangulo ng kampo ni Robredo. At, maaaring may negatibong epekto sa kampanya ni Robredo ang gayon dahil sa naisiwalat na hindi kaaya-ayang pagmamalabis nito sa mga kapwa kandidato.

Ngayon, dahil sa pagnanasang magtagumpay sa darating na halalan; at, pagkatapos sinubukan at pumalpak ang mga samu’t-saring taktika upang manalo, anu-ano pa ang mga nalalabing sandata na maaaring pakawalan ng kampo ni Robredo?

Magpapahayag ako ng mga katanungang upang mas maliwanag ang aking ipinapahiwatig.

Bakit ba itinatag ang Commission on Elections (COMELEC)? Bakit gumugugol ng napakalaking halaga sa araw ng halalan ang iba’t ibang kampo ng mga kandidato para pakilusin ang mga taga-bantay ng balota (poll watchers)? Bakit may mga nakatalaga na mga proseso sa pag-protesta ng mga paglabag sa alitutunin ng halalan?

Ang kasagutan sa mga tanong na ito ay ang katotohanan na nagkakadayan sa halalan natin. Alam natin na ang pandaraya at mga paraan upang hindi madaya ay nasa listahan ng mga sandatang pampulitika ng mga batikang pulitiko. Baka, wala ngang nagdaan na halalan na hindi nagkaroon ng dayaan.

Sa aking palagay ay mayroon ng plano ang kampo ni Robredo na mandaya sa darating na halalan. Tiyak mayroon ng komite na itinalaga upang ipatupad ang madilim na operasyon ng pandaraya.

Marami ang naniniwala, kahit hindi ito napatunayan, na kaya nanalo si Robredo sa nakaraang halalan noong 2016, nang talunin niya si BBM sa pagka Bise-presidente, ay gumamit ang kampo nito, ang kinasusuklamang Partido Liberal, ng pandaraya.

Naaalala ba natin ang Tagapangulo (Chairman) ng Comelec na si Andres Bautista ay napilitang magtago sa ibang bansa dahil sa hindi mapaliwanag na mga salaping naimpok sa bangko na nakapangalan sa kanya? Nakakatiyak ako na ang tinutukoy na mga salapi ay suhol upang pahintulutan o mabigyan ng daan ang pandaraya noong halalan ng 2016. Kaya siya’y patuloy na nagtatago upang maiwasang pananagutan ang mga kasalanan sa batas.

Ngayon, nakakatiyak din ako na uulitin ng mga operatiba ang nangyaring pandaraya umano noong 2016 sa darating na halalan dahil ito’y nagtagumpay at wala naman naparusahan.

Higit sa lahat, ang salapi na nagpakilos sa mga operatiba ng nangyaring pandaraya umano noong 2016 ay makapangyarihan at napakahirap tanggihan.

Hindi ba kamakailan lang ay nagkaroon ng walang pahintulot na pangongopya ng datos ng Smartmatic kaugnay sa darating na halalan, ang kompanya na inatasang gumawa ng elektronikong sistema ng halalan? Hindi ba umamin ang gumawa ng pangongopya na siya’y nasuhulan ng 300,000 na piso?

Ang ginawang hindi ligal na pangongopya ng datos ay tanda na gumagalaw na ang mga operatibang inatasang mandaya.

Ang kinakailangan ng iba’t ibang kampong pampulitika ay magkaroon din ng mga operatiba na dalubhasa sa pagpigil, o pagbawas man lang, sa gagawing pandaraya.

At, kailangan din ng mga botante na makilahok sa pagkilos laban sa pandaraya dahil kung tutuusin, sa mangyayaring pandaraya, ang botante naman talaga ang ninanakawan ng karapatang maitala ang kanyang boto.