Calendar
Ang isang tagasunod ni Hesus ay hindi dapat mainggit sa pag-aari ng iba (Juan 21:2025)
“Sumagot si Hesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko. Ano sa iyo? Sumunod ka sa akin”. (Juan 21:22)
MARAHIL ay likas na talaga sa ating mga Pilipino ang pagiging inggitero. Kung ano ang mayroon ang ibang tao ay iyon naman ang kinaiinggitan natin. Kahit pa nasa atin na ang lahat ng bagay hindi pa rin naiiwasan ang mainggit sa ating kapwa.
Lumalapat sa atin ang turo mula sa Aklat ng Mangangaral na nagsasabing: “Nakita ko ring ang tao’y nagpapakapagod upang mahigitan ang kaniyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan. Tulad lang ng paghahabol sa hangin”. (Mangangaral 4:4)
Katulad ng kasabihan ng mga matatanda, ang mga inggitero ay mistulang nagpipilit na yumayakap sa malaking puno kahit hindi nila kaya. Sa layuning huwag lang silang masapawan, kahit pa magka-utang utang sila ay wala silang pakialam.
Basta lamang mahigitan nila ang kanilang kapwa, kapag may bagong TV ang isang kapitbahay, kahit magkabaon-baon sila sa utang ay bibili din sila ng telebisyon na mas malaki at mas maganda duon sa pag-aari ng taong kinaiinggitan nila.
Kahit pa sa lumang panahon, bago pa man isinilang ang ating Panginoong HesuKristo likas na rin sa mga tao noon ang pagiging inggitero. Kagaya ng ating mababasa sa Aklat ng Unang Samuel (1 Samuel 18:7-9) nang maiingit si Haring Saul kay David.
Nakatutok lamang ang kanilang atensiyon ng mga inggitero sa pag-aari ng iba at bulag sila sa napakaraming biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Para bang nais pa nilang palabasin na pinagdadamutan sila ng Diyos.
Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Juan 21:20-25) matapos lingunin ni Pedro ang kapwa niya alagad at wikain nito kay Hesus na: “Panginoon paano po ang mangyayari sa taong ito” na tumutukoy sa Disipulo na minamahal ni Kristo. (Juan 21:20-21)
May kasabihan nga sa ating mga Pilipino na “Mind your own business and scratch your own galis”. Ang ibig sabihin ay huwag nating pakialaman ang ibang tao at ang paki-alaman lamang natin ay ang sarili.
Mahilig tayong mainggit at makialam sa ibang tao na kadalasan ay pinagmumulan ng awayan at hindi pagkakaunawaan. Kaya itinuturo ngayon sa atin ng Ebanghelyo na makuntento at pagyamanin natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin.
Napakahalaga ng sinabi ni Hesus sa Pagbasa bilang tugon kay Pedro. Nang sabihin niyang “Sumunod ka sa akin”. (Juan 21:22) ang mga taong sumusunod kay Hesus ay hindi na kailangan pang magkumpara o mainggit sa mga bagay na natamo ng iba.
Mistulang sinasabi ni Hesus kay Pedro na huwag nitong pakialaman ang ibang tao at sa halip ay itutok niya ang kaniyang atensiyon kay Kristo bilang Maestro at Panginoon.
Sapagkat ang isang tagasunod ni Hesus ay marunong makuntento sa mga bagay na ipinagkaloob sa kaniya ng Panginoong Diyos maliit man o malaki.
Sa ating kasalukuyang panahon, ang lagi nating pinupuna ay ang ating kapwa katulad ng ipinamalas ni Pedro sa Ebanghelyo. Mahilig tayong mainggit at bumatikos sa mga bagay na mayroon at ginagawa ng ibang tao.
Sa halip na mainggit tayo, hindi ba’t ang dapat nating gawin ay magpasalamat na lamang tayo sa mga biyayang mayroon tayo? Sa halip na batikusin natin ang pamahalaan mas makabubuti siguro kung makipagtulungan na lamang tayo para umunlad ang ating bansa gaya ng nais nating mangyari.
Gaya ng natunghayan natin sa Pagbasa, ang nakikita rin natin ay ang ibang tao samantalang hindi natin nakikita ang ating mga sarili.
Napakahilig natin bumatikos subalit wala naman tayong ginagawa para makatulong.
Iyan ang masama sa ating ugali, masyado tayong makasarili, ang lagi lamang natin tinitignan ay ang ating pansariling kakulangan. Ngunit Hindi natin natin pinapansin ang mga biyaya at grasyang ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos.
Nawa’y matuto tayo sa aral na ibinibigay ng Ebanghelyo, matuto tayong makuntento sa mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos.
Huwag nating ikumpara ang ating sarili sa iba sapagkat lahat naman tayo ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Dahil tayong lahat ay mga Anak ng Diyos.
AMEN