Calendar
Ang paggawa natin ng kabutihan sa ating kapwa ay parang nagtatanim din tayo ng kabuhtihan na siyang aanihin din natin (Mateo 7:6, 12-14)
“Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta”. (Mateo 7:12)
ANG mga katagang ito ay madalas kong marinig nuong araw sa aking mga magulang. Malimit nilang binabanggit sa akin ang kasabihan ito na kung anoman ang ginawa mo sa iyong kapwa partikular na kung ginawaan mo sila ng hindi maganda ay iyon din ang mangyayari sayo sa kamay ng ibang tao.
Kahalintulad nito ang kasabihan na “walang utang na hindi pinagbabayaran”. Kaya kung anoman ang itinanim mo dito sa ibabaw ng lupa, Mabuti man o masama ay iyon din ang iyong aanihin sa pamamagitan ng ibang tao. Ito ay upang maramdaman mo ang ginawa mo sa ibang tao, mabuti man o masama.
Napaka-suwerte mo kung ang itinanim o ginawa mo sa iyong kapwa ay puro kabutihan. Tiyak na kabutihan din ang babalik sayo, papaano kung puro kawalang-hiyaan, pambabalasubas, kabuktutan at iba pang masasama mong ugali ang ipinunla mo sa iyong kapwa? Makakaasa ka ba ng kabutihang babalik sayo?
Ganito ang mensahe ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 7:6, 12-14) patungkol sa paggawa natin ng kabutihan sa ating kapwa kung nais natin na balang araw ay gawaan din nila tayo ng kabutihan o suklian nila ng kabutihang loob ang magagandang nagawa natin para sa kanila.
Habang tayo ay naririto sa ibabaw ng lupa. Tayo ay nagpupunla o nagtatanim na kung tawagin natin ay “investment”. Nag-i-invest tayo upang sa pagdating ng araw ay aanihin din natin ang mga bagay na itinamin o ininvest natin. Maging ito man ay kayamanan, material na bagay o mabubuting gawa.
Para sa mga mayayaman at nagtataglay ng labis na karangyaan sa buhay. Madali para sa kanila ang mag-invest ng kanilang kayamanan na mamanahin naman ng mga maiiwan nila dito sa ibabaw ng mundo. Habang ang mga mahihirap at dukha, ang ini-invest nila ay mabuting pangalan at marangal na pamumuhay.
Subalit may magagawa kaya ang naipundar o na-invest natin na limpak-limpak na kayamanan kung sirang-sira naman ang ating pangalan? Malilinis ba ng ating sanda-makmak na ari-arian at limpak limpak na salapi ang pangalan natin na basang basa dahil noong nabubuhay pa tayo ay wala tayong naitanim na kabutihan?
Mas mainam pa pala ang isang mahirap o dukha na kahit salat sa pera at pinagkaitan ng magagandang oportunidad dito sa lupa. Kapag namatay ay maiiwan naman nila ang isang malinis na pangalan. Maaalala sila sa magagandang bagay at kabutihan na nagawa nila noong sila ay nabubuhay pa.
Ang pinaka-mahirap ay iyong patay ka na nga at nakabaon na sa ilalim ng lupa subalit patuloy ka parin minumura at pinagwiwikaan ng mga masasamang bagay na naitanim mo dito sa ibabaw ng lupa. Ang naalala nila ay iyong masasamang ginawa mo at walang maalala na may ginawa kang kabutihan.
Naaalala ko na nuong araw na may isang tao ang gumawa ng mga kalokohan at kawalang hiyaan. Maaaring kaya nagawa niya ito ay dahil dala ng kaniyang kabataan, subalit ano pa man ang kaniyang dahilan. Ang masamang ginawa niya nuong araw ay nakatatak na sa kaniyang pagkatao.
Kahit anong paglilinis ang kaniyang gawin o pagpapabango ng kaniyang pangalan. Hindi na maalis-alis o maiwaksi ang napaka-samang impression sa kaniya. Kung ano siya nuong araw ay ganoon na ang tingin sa kaniya ng ibang. “Ang masamang ginawa niya ay siyang inaani niya ngayon”.
Ang itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo ay sikapin natin ang magtanim ng kabutihan o gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa kung nais natin na sa pagdating ng panahon ay magawaan din nila tayo ng kabutihan. Hindi man para sa atin mismo kung sa pamilyang maiiwan natin dito sa lupa.
Ang mga materyal na bagay o kayamaman na ipinunla o ininvest natin dito sa ibabaw ng lupa at ipamamana naman natin sa ating mahal sa buhay ay nauubos at kumukupas. Subalit ang magandang pangalan, malinis na reputasyon at mabuting ginawa ay hindi kailanman maglalaho sa alaala ng ating kapwa.
Hindi man natin maranasan dito sa ibabaw ng mundo ang masamang ginawa natin sa ating kapwa o ibang tao. Ngunit tandaan natin na may tinatawag na “final judgement”, makaligtas man tayo sa masamang ginawa natin subalit hinding hindi tayo makaliligtas sa kaparusahan ng Diyos.
Kaya ang paalala sa atin ng Pagbasa, mas mag-focus tayo sa mabubuting gawa sapagkat ito ang dapat natin itanim dito sa iababaw ng lupa at hindi ang mga materyal na bagay at kayamanan. Dahil anong silbi ng ating kayamanan at napakaraming ari-arian kung “demonyo” naman ang tingin sa atin ng ibang tao dahil sa masasamang ginagawa natin.
AMEN
PAGNINILAY:
“Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin”. (Kawikaan 16:3)