Marianito Augustin

Ang paglilinaw ni Congressman Edward Hagdorn ng Palawan

197 Views

HINDI nagpapatinag si Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn sa hagupit ng malakas na unos sa kaniyang buhay politika o political career matapos siyang kasuhan ng Sandiganbayan 3rd Division ng kasong malversation of public property patungkol sa mga baril umano na nasa kaniyang pag-iingat.

Subalit papaanong nasa pag-iingat ni Congressman Hagedorn ang 14 na Armalite rifles gayong mismong si Puerto Princessa City Police Office (PPCPO) Investigation Chief Police Lt. Col. Joseph Dela Cruz ang nag-kumpirma na natanggap na nila at nai-record ang 14 M6 Armalite rifles.

Pinatunayan din ito ni Lt. Col. Dela Cruz sa pamamagitan ng kaniyang statement at pahayag na nagsasabing naisauli at natanggap naman nila ang mga nasabing baril na personal na ibinalik ng kongresista na dating nasa pag-iingat nito noong siya pa ang Mayor ng Puerto Princessa.

Iginiit ni Congressman Hagedorn na siya ay inosente at wala siyang nilalabag na batas patungkol sa kasong ito. Lalong wala naman siyang kinuha kahit singkong duling sa kaban ng pamahalaan.
Ang akala kasi ng iba eh’ porke’t sinampahan ka ng kasong malversation ay may kinurakot ka na sa kaban ng pamahalaan. Ang paglilinaw ng butihing kongresista ng Palawan, wala siyang kinuha kahit singko sa kaban ng gobyerno noong siya pa ang namumunong mayor sa Puerto Princessa.

Ang malversation of property ay patungkol duon sa 14 na Armalite rifles na sinasabi naman ni Congressman Hagedorn na hindi niya pinag-interesan. Bagkos, isinauli nga niya kay Lt. Col. Joseph Dela Cruz.

Subalit magka-gayunman, nananatili pa rin ang tiwala ni Congressman Hagedorn sa “justice system” ng bansa at gagamitin niya ang lahat ng paraan upang mapawalang sala o ma-vindicate siya sa kasong isinampa ng Sandiganbayan.

Sa isang press conference, ipinaliwanag ni Congressman Hagedorn na gagamitin nito ang lahat ng “avenues” sa tamang proseso para mapawalang sala siya sa kaso. Sapagkat maghahain siya ng Motion for Reconsideration (MR).

Aminado si Hagedorn na mahabang proseso ang maaaring kasapitan ng ihahain nilang MR sa Korte Suprema. Gayunman, binigyang diin nito na siya pa rin ang nananatiling kinatawan o kongresista ng Palawan at hihintayin nila ang magiging pinal na desisyon ng Mataas na Hukuman (SC).

“Ang lagi ko lang pinaninindigan ay yung aking innocence. Wala tayong perang ninakaw, ipapaliwanag ko lang. Yung malversation kasi ay may interpretation na kumuha ako ng pera, may nagte-text sa akin na boss, ilang bang pera ang iyong kinuha? Ang sabi ko, kahit isang singko sentimos ang ikinaso sa akin,” paliwanag pa ng kongresista.

Life must go on para Congressman Edward Hagdorn sa gitna ng mga pagsubok

“Life must go on” ika nga. Tuloy lang ang buhay sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ganyan ang pananaw ni Congressman Hagedorn sa kabila ng panibagong hamon na dumating sa kaniyang buhay, ito nga yung kasong isinampa laban sa kaniya, pero bakit siya magpapatinag gayong marami pang dapat asikasuhin ang butihing kongresista ng Palawan.

Hindi dapat maging balakid ang nasabing kaso para hindi ituloy ni Hagedorn ang mga inilunsad nitong infrastructure project sa lungsod ng Puerto Princessa at sa munisipyo ng Aborlan sa Palawan na inaasahang malaking benepisyo ang maibibigay para sa mga mamamayan.

Katuwang ni Congressman Hagedorn ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa implementasyon ng kaniyang mga proyekto na itinuturing niyang “priority projects” kabilang na dito ang pagkakaroon ng mga bagong kalsada at pasasa-ayos o pagkukumpuni sa mga sirang kalsada.

Napakaraming proyekto at programa ang kailangang tutukan ni Congressman Hagedorn kaya tama siya. Bakit siya magpapadala sa problemang ito. Tuloy lang ang buhay, hindi ito hadlang para ipagpatuloy niya ang kaniyang serbisyo para sa mga mamamayan ng Palawan.

Kaya Congressman Hagedorn. Kasama niyo po ako sa pananalangin na sana ay malampasan ninyo ang pagsubok na ito at tulungan kayo ng Panginoon na maging malinaw ang lahat. Marahil ay totoo ang kasabihan na kapag ang isang “puno ay hitik sa bunga” ito ay binabato. Hitik kayo sa bunga Congressman kaya kayo binabato. Tandaan din natin ang kasabihan na “YOU CANNOT PUT A GOOD MAN DOWN”. Hindi niyo maibabagsak ang mabuting tao gaya ni Congressman Hagedorn.