Bro. Marianito Agustin

Ang Pagninilay sa Salita ng Diyos

545 Views

Kayang gamutin ang sugat sa laman. Subalit mahirap paghilumin ang sugat na nilikha ng masakit na salita (1Samuel 1:1-8)

“Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin. Ngunit ang magandang pananalita, ang sakit ng kalooban ay gumagaling”. (Kawikaan 12:18 – Magandang Balita Biblia)

MINSAN ay kailangan mag-ingat tayo sa mga salitang bibitiwan natin sa ating mga bibig. Sapagkat ang anumang salita na mamumutawi sa ating mga labi ay maaring makapanakit ng damdamin ng isang tao.

Kapag nakapagbitiw tayo ng masakit o masamang salita sa ating kapuwa, kahit paulit-ulit pa tayong humingi ng paumanhin dahil sa masakit na salitang ipinukol natin laban sa kaniya, hindi na kayang paghilumin ng ating “sorry o patawad” ang hapding idinulot ng mga masasakit at mabibigat na salitang sinabi natin laban sa isang taong nakagalit at nakaaway natin.

Maaaring mapatawad tayo ng taong ito dahil sa nagawa natin sa kaniya. Ngunit ang sakit ng kalooban na nakaukit sa kaniyang puso dahil sa masakit na salitang sinabi natin sa kaniya ay hindi na basta-basta mabubura o maiwawaksi ng ating “sorry o patawad”.

Mistula itong peklat ng sugat na nakatatak na sa kaniyang puso.

Madaling magpatawad. Subalit mahirap mawala ang hapdi ng mga masasakit na salitang sumugat sa kaniyang damdamin.

Kaya ang ipinapayo sa atin mula sa Sulat ng Efeso na huwag tayong gumamit ng masasamang salita. Kundi iyong mga salitang makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. (Efeso 4:29)

Sinasabi pa dito na kailangang alisin na natin ang lahat ng sama ng loob, poot at galit. Huwag tayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng ating kapuwa. (Efeso 4:31)

Ang mga masasakit na salita na nakakapanakit ng damdamin ng isang tao ang ating matutunghayan mula sa Aklat ng Unang Samuel (1 Samuel 1:1-8)
tungkol sa kuwento nina Penina at Ana. Ang dalawang asawa ni Elkana, ang anak ni Jeroham.

May mga anak si Penina samantalang si Ana naman ay hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ang kulutura noong panahong iyon ay nakabatay sa mataas na pagtingin ng mga tao sa isang babae kapag ang babaeng ito ay maraming anak.

Ang mga sakit ng kalooban na nararanasan ni Ana ay idinaan na lamang niya sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin niya kay Yahweh.

Ganito ang naging panalangin ni Ana. “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan. Sa halip ay pagkalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya siya sa inyo at habang buhay na nakalaan sa inyo. Hindi ko ipapaputol ang kaniyang buhok”. (1 Sam 1:11)

Binigyang katarungan ni Yahweh ang mga paghihinagpis ni Ana matapos niyang dinggin ang taimtim na panalangin nito. Sapagkat nagsilang si Ana ng isang anak na lalaki na pinangalanan niyang Samuel.

“Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya’y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya. “Hiningi ko siya kay Yahweh”. (1 Sam 1:20)

Sa ating kasalukuyang panahon. Marami ang kagaya ni Ana sa atin na nakakaranas na masabihan ng mga masasakit at hindi magagandang salita.

Palasak sa Social Media o sa Facebook (FB) ang naglalarawan sa katauhan ni Penina na walang habas na nilalait, kinukutya at hinahamak ang mga taong “bina-bash” nila. Hindi na nila inaalintana na sila’y nakakasakit na ng damdamin ng mga taong pinupuna nila.

Kaya itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na huwag tayong gumamit ng mga masasakit na salita kung nais natin punahin ang isang tao. Sapagkat maaari naman tayong magbigay at magsabi ng mga salitang pakikinabangan ng taong kausap natin.

Tandaan lamang natin na ang ating dila ay mas matalas pa kumpara sa kutsilyo. Sapagkat ang kutsilyo ay kayang gamutin ang sugat na nilika nito. Ngunit ang sugat na nilikha ng ating dila ay hindi kailanman basta-basta maghihilom sapagkat ito’y tumagos sa puso.

Mas madali pang gamutin ang sugat sa laman. Kaysa sa sugat sa puso na nilikha ng masasakit na salita.

AMEN. Bro. Marianito Agustin, O.P.