Atty. Jeff Coronel

Ang Pagpalya ng Kampanyang Galit

Jeff Coronel Apr 25, 2022
370 Views

“BARDAGULAN.”

Ganyan kung ilarawan ang mainit na banggaan ng mga supporters ng mga kandidato sa social media.  Naging mas mainit ang bangayan ng supporters ng UniTeam at Leni-Kiko tandem sa kasagsagan ng kampanya na makikita saan mang social media platforms.

Subalit sa gitna ng maingay na daynamiko sa social media, kapansin-pansin din ang mga karakter na parang sumasalamin sa karamihan ng mga taga suporta ng tambalang Leni-Kiko. Naging kilala ang mga supporters na ito sa galit na paraan ng pangangampanya at pagbatikos sa mga botante ng UniTeam.  Ang mga kakampinks na ito ay kilala sa paghamak ng mga botanteng  hindi sumasang ayon sa kanilang mga pagpili at pilit na pinangangalandakan ang kanilang pagiging superyor at pagiging mas matalino daw sa mga hindi umaayon sa kanila.

Hindi nagdadalawang-isip na gumamit ng mga salitang bastos at mapanghamak ang mga nasa kabilang kampo. Hakbang na mas nagpapalayo ng loob ng mga “undecided” sa tambalang Leni-

Kiko. Habang patuloy ang pilit na pagpapakita ng kabaitan at kabanalan na sinasakyan ng ilang mga taga Simbahan, patuloy namang salungat ang paraan ng pakikipagdiskusyon ng mga kakampink sa social media.

Sinasalamin ng mga karakter sa social media ang bawat pahayag ng mga kilalang personalidad sa kampanyang Leni-Kiko. Sina Melai Cantiveros at dating Commissioner Rowena Guanzon ay iilan lamang sa mga personalidad na ito. At ang bawat paglarawan at pagbatikos mismo ni Leni at Kino kay Bongbong at Sara ay sumasalamin din sa kampanyang galit na ito.

Maaaring sa tingin ng mga nasa kanilang kampo na ito ay epektibong pagkumbinsi sa iba, subalit sa isang bansang naghihilum pa lamang mula sa mga sugat ng pandemya, ang negatibong kampanya ay nananatiling negatibo. Ang bawat usal ng kabastusan ay hindi nakakapagpatindi ng nasyonalismo ngunit nagpapalayo lamang sa loob ng mga taong ayaw sa gulo at galit.

Ayon kay Malou Tiqui ng Publicus Asia, pagod na ang mga Pinoy sa negatibong paraan ng pangangampanya. Maaaring sa mga nagdaang dekada, ang pagtuligsa ay tinitingnang katapangan subalit matagal ng nag-iba ang persepsyon ng nakararami sa mga ganitong pagbatikos. Ang paninira ng ibang kandidato ay pagsira lamang sa sariling kampanya, at patuloy pang ilalayo nito ang mga taong mas gusto ng kapayapaan, respeto at pagkakaisa.

Ang kampanyang galit ay pumapalya, at mas pinipili ng mayorya ang kampanyang may puso at tumatawag ng paghilum at pagkakaisa. Si Mayor Sara Duterte kasama ni Bongbong Marcos ay patuloy na nagiging tahimik sa harap ng batikos. Patuloy na nangangampanya ng hindi naninira ng iba. Nakatuon sa pagmamahal, pagkakaisa, at katapatan sa bansa ang mga kampanya ng

UniTeam na siyang nagpapalapit sa kanila sa loob ng mas maraming Pilipino.

Pagod na ang Pilipino sa galit. Pagod na ang Pilipino sa gulo. Pagod na ang Pilipinas sa pagkagapos sa tanikalang putik na patuloy na sumisira at naghahati-hati sa isang bansang matagal ng gustong magkaisa. Dito pumapalya ang mga nagtatawag ng kulay rosas na bukas gamit ang maiitim na salita. At dito sila matatalo.