Bro. Marianito Agustin

Ang Panginoon ay hindi mapaghiganti kundi mahabagin sa mga makasalanan (LUCAS 13:1-9)

111 Views

LucasLucas1“Sinabi ni Jesus sa kanila. Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon. Higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat”. (LUCAS 13:2-3) 

MAY mga pagkakataon na ang masamang sinapit ng isang tao ay inuugnay natin agad sa “karma” sapagkat sinasabi natin na kaya nangyari sa kaniya ang ganoong bagay ay dahil pinarusahan siya ng Diyos o kaya naman ay kinarma ang taong iyon na ipinagpapalagay natin agad na baka masama o ubod ng sama ang taong ito.

Minsan, hindi naman natin talaga lubos na nauunawaan ang buong pangyayari kung bakit niya sinapit ang ganoong bagay ngunit mabilis na agad tayong nakapagbigay ng ating panghuhusga. Naging “judgemental” na agad tayo gayong hindi naman talaga natin lubos na naiitindihan ang mga kadahilanan. Ipinagpalagay na natin agad na “kinarma” ang taong ito dahil masama siya, kahit hindi naman talaga tayo nakakasiguro.

Kailangan natin maintindihan na sadyang may mga kaganapan dito sa ibabaw ng mundo ang mahirap maunawaan at hindi natin gagap o hindi natin kontrolado gaya ng isang trahedya, kamatayan o isang masamang pangyayari sapagkat tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung bakit nangyari ang mga bagay na ito katulad ng ating mababasa sa Mabuting Balita (LUCAS 13:1-9).

Dumating ang ilang tao at ibinalita nila kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang taga-Galilea habang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. (LUCAS 13:1) Kaya ang sabi sa kanila agad ng ating Panginoon. Kaya nangyari ang mga ganoong bagay ay hindi dahil sa sila’y masasama. Sapagkat iniuugnag agad ng mga Hudyo sa kaparusahan o isang “karma” ang sinapit ng mga taga-Galilea bilang kabayaran sa kasamaang ginawa ng mga taong ito.

Tulad ng pananaw ng mga Hudyo sa ating Ebanghelyo, minsan ganito rin tayo mag-isip na kapag may masaklap at masamang pangyayari ang dumapo sa buhay ng ating kapwa. Ang iniisip natin agad ay kinarma ang taong ito. Kadalasan, winiwika pa nga natin ang mga katagang “Ang bilis ng karma, mabuti nga sa kaniya” na para bang ikinatutuwa pa natin ang sinapit ng taong ito.

Dahil sa mga ganitong pahayag natin laban sa ating kapwa kasama na ang ating maling pananaw. Mistulang pinalilitaw natin na ang Panginoong Diyos ay isang benggatibo, mapaghiganti at mapagparusa sa mga taong hindi sumusunod sa kaniya o kaya naman ay isang talamak na makasalanan. Ganito ba ang ating pagkakakilala sa Diyos? Ang isang mabagsik, strikto at malupit na Diyos?

Para bang sa tuwing tayo ay makakagawa ng pagkakasala ay awtomatikong mayroong kaakibat na kaparusahan. Nais lamang natin ituwid ang ganitong baluktot na paniniwala na nakabatay sa mensahe ng ating Pagbasa. (LUCAS 13:1-9) Ang ating Panginoong Diyos ay hindi basta agad nagpaparusa sa mga taong nagkakasala sa kaniya kahit gaano pa kalaki ang ating naging kasalanan.

“Mapagpatawad ka o Panginoon at napakabuti sa mga dumadalangin at sa nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay nananatili”. (AWIT 86:5)

Kung tutuusin mababasa pa natin sa Ebanghelyo na ang mga taong makasalanan ay hindi ora-orada kinakastigo ng Panginoong Diyos o tinatamaan ng karma. Dahil lahat tayo ay binibigyan niya ng pagkakataon at panahon upang magbagong buhay. Hinihintay lamang tayo ng Diyos na kusang magsisi at magbagong loob.

Hinahayaan lamang tayo ng Panginoon na makapag-isip-isip upang mapagtanto ang mga pagkakamaling nagawa natin sa buhay at tumahak sa daang matuwid tungo sa kaluwalhatian ng Diyos. Habang ang mga taong ayaw talagang magbagong buhay ay tiyak na mapaparusahan at may kalalagyan. Ito ang buod ng talinghagang na isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo. (LUCAS 13:7-9)

Bagama’t minsan ay nakakatikim tayo ng parusa mula sa Panginoon subalit Ito ay isang parusa hindi para tayo ay pasakitan o pahirapan. Katulad lamang ito ng sinomang magulang na nagpaparusa sa kaniyang anak para ipaunawa ang mga pagkakamaling nagawa niya. Wala naman sigurong magulang ang ikatutuwang naghihirap o nagdurusa ang kaniyang anak.

isang nagngangalang Carlos Alcantara ang nagpatoo at nagpatunay na ang Panginoong Diyos ay hindi mapaghiganti at malupit magparusa sa mga nagkakasala sa kaniya sapagkat bago ako siya nagsilbi sa Simbahan bilang isang Lector Commentator.

Siya ay isang talamak na makasalan. Talagang ang kaniyang kaluluwa ay napaka-itim sa dami ng mga kasalanang ginagawa niya. Hindi masasabi na siya ay isang mabuting Kristiyano. Napakarumi ng kaniyang pagkatao. Nariyan na yung gabi-gabi siyang naglalaseng, madalas na nagpupunta sa mga massage parlor na nag-aalok ng extra-service, palamura, suwail na anak, iresponsableng asawa, nalulong sa sugal at nalulong sa illegal na droga.

Gayunman, hindi naman siya agad-agad na pinaparusahan ng Diyos gaya ng ating mababasa sa Ebanghelyo. Hinayaan lamang siya ng Panginoon. Subalit marahil ay dumating na talaga ang pagkakataon na sobra na ang mga ginagawa niyang kabuktutan. Masyado niyang inabuso ang pananahimik ng Panginoon. Kaya dumating na ang sandali na pinukaw na siya at ipinaalala na panahon na para siya ay magbagong buhay at magpakatino. Pinarusahan na siya ng Diyos subalit hindi para siya ay pasakitan at pahirapan. Kundi para tulungan lamang siyang maituwid ang napakaraming mali na ginagawa niya sa buhay sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga kasalanan upang huwag mapunta sa apoy ng impiyerno ang kaniyang kaluluwa pagdating ng araw.

Ano ba ang ipinapahiwatig ng ating Pagbasa? Simple lang. Ang Panginoon nating Diyos ay mahabagin sa mga makasalanan. Hindi niya agad ibinibigay ang kaparusahan sa mga makasalanan. Sa halip, pag-ibig ang kaniyang iginagawad kahit pa gaano karami ang ating pagkakasala. Hindi ako pinarusahan para maghirap kundi para iligtas ang aking kaluluwa sa kapahamakan.

Papaano kung halimbawang bigla siyang namatay ng mga panahong iyon habang tadtad ng kasalanan ang kaniyang kaluluwa na sa kahuli-hulihang sandali ng kaniyang buhay ay hindi man lamang siya nakapagsisi sa kaniyang mga kasalanan. Saan kaya siya mapupunta?

“Si Yahweh’y mapagmahal at puno ng habag. Hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas. Siya’y mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi. Sa kaniyang nilikha, pagkalinga niya ay mamalagi”. (AWIT 145:8-9)

Ang mensaheng ibinibigay ng Pagbasa ay para sa mga naging kagaya ni Carlos Alcantara na dating “alipin ng kasalanan” na marahil ay ito na ang pagkakataon para tayo ay magbalik loob sa Panginoon. Hinihintay lamang niya tayo. Wag natin hintayin ang “last minute” bago tayo makapag-sisi o duon pa lamang tayo magkukumahog. Sapagkat baka dumating ang sandali na maubusan tayo ng panahon at tuluyan ng mawalan ng pagkakataon para magbagong buhay kagaya ng iba na hanggang sa huling sandali ay hindi man lamang nakapagsisi sa kanilang kasalanan.

“Ngunit sumagot ang tapag-alaga. Huwag po muna nating putulin ngayon, huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol”. (LUCAS 13;8)

AMEN