Ang paniniwala ni Bossing Vic Sotto

Eugene Asis Feb 16, 2022
362 Views

SUMAMA si Bossing Vic Sotto sa proclamation rally ng tandem nina Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson at ng vice presidential bet nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Cavite.

Madaling makita ang dahilan kung bakit naroon si Vic–dahil sa kanyang sanggang-dikit na kapatid na si Tito Sen. Pero ayon kay Vic, hindi lang ang kanyang magiting na kapatid ang dahilan kung bakit gusto niyang makita ng mga tao sa naturang proclamation rally.

Aniya, lubos niyang hinahangaan si Ping Lacson dahil sa kanyang integridad, katapangan at malinis na track record sa serbisyo publiko sa nakaraang limang dekada. “Siyempre, pagdating sa katapangan di mo matatawaran. Kabitenyo, eh,” ani Vic tungkol kay Ping.”At alam kong magkakatulungan sila ng husto ni Tito Sen.”

Samantala, kasama rin sa mga Dabarkads na pumunta sa rally sina Jose Manalo at Wally Bayola – pati na rin ang basketball superstar na si Marc Pingris. Sa kanyang talumpati, binigyang diin muli ni Lacson ang kanyang pangako na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at ang pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno (“Uubusin ang Magnanakaw”).

Panawagan din ni Lacson sa taumbayan na maging matalino at mapanuri sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa, sa halip na magluklok ng magnanakaw sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Pangako rin ng presidential aspirant sa kanyang mga kapwa Caviteño na mamumuno siya nang may disiplina at katapatan sa kanyang tungkulin. “Ako po ay humaharap sa inyo bilang isang kababayan, lehitimong taga-Imus, lehitimong taga-Cavite. Kapag ako pinagpala na maglingkod, hinding hindi ko kayo ipapahiya. Hinding hindi ko kayo bibiguin!” saad pa ni Lacson.