Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Bro. Marianito Agustin

Ang Semana Santa ay panahon para manalangin, magnilay at suriing mabuti ang ating relasyon sa Panginoong Diyos

77 Views

JesusNGAYONG panahon ng Semana Santa. Ating pagnilayan ang mga pinagdaanang hirap ng ating Panginoong HesuKristo, magawa sana nating mapahalagahan ang mga pangyayari sa buhay ng ating Panginoon at mga kaganapan na mayroong kaugnayan sa kaniyang pagdurusa at pagkakamatay sa Krus. Huwag nawa nating balewalain ang kaniyang nakapalaking sakripisyo upang tayo’y maligtas sa ating mga kasalanan.

Ito ang tamang panahon upang tayo ay manalangin, magtika o magmuni-muni at maituwid ang ating mga naging pagkakamali sa ating buhay. Ang Semana Santa ay hindi lamang panahon upang tayo ay magpunta sa beach, magbakasyon at mag-happy-happy. Ang pitong araw na Semana Santa ay panahon para itanong sa ating mga sarili: “KAMUSTA NA BA ANG AKING BUHAY PANANAMPALATAYA? KAMUSTA NA BA ANG AKING RELASYON SA DIYOS?”

Pagnilayan natin ngayon ang Daan ng Krus ng ating Panginoong Hesus:

ANG HULING HAPUNAN: (1 Corinto 11:23-26)

“Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay. Nagpasalamat at pinagpira-piraso ito at sinabi. Ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo. Gawin niyo ito bilang pag-alala sa akin. Gayundin naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin niyo ito, gawin niyo ito bilang pag-alala sa akin”.

Pagninilay:

Kagaya ng ating winika kanina. Ang Semana Santa ang panahon para gunitain at alalahanin natin ang mga naging sakripisyo ng ating Panginoon. Subalit nakakalungkot lamang na may mga kapatid tayo na hindi lubos na nauunawaan ang tunay na kahulugan nito. Mistulang hindi nila pinahahalagahan ang paghahandog ni Hesus ng kaniyang buhay upang tayo ay mapatawad sa ating mga kasalanan. Ang kaniyang katawan ay kaniyang inalay para sa ikatutubos ng sangkatauhan at dumanak ang kaniyang dugo upang tayo ay maligtas.

Ipanalangin natin na nawa’y lubos nating maunawaan ang tunay na kahulugan ng sakripisyo ng ating Panginoong Hesus.

ANG PAGDURUSA NI HESUS SA HALAMANAN: (Lucas 22:39-45)

“Gaya ng kaniyang kinaugalian. Umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo at sumama ang mga Alagad. Pagdating doo’y sinabi niya sa kanila. Manalangin kayo nang hindi kayo madaig ng tukso, lumayo siya sa kanila nang may isang pukol ng bato. Saka lumuhod at nanalangin, ” Ama” wika niya, kung maaaring ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunman, hindi ang kalooban ko masunod. Kundi ang kalooban mo. Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim. Tumulo sa lupa ang kaniyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo. Tumindig siya pagkatapos manalangin at lumapit sa kaniyang mga Alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati”.

Pagninilay:

Katulad ni Hesus na iniwang mag-isa ng kaniyang mga Alagad sa panahong kailangan nito ng karamay. Ilan pa kaya ang Hesus sa ating kasalukuyang panahon na wala rin karamay at umaagapay sa mga pagkakataon na sila ay nakakaramdam ng pangungulila? Ilan pa kaya ang Hesus sa panahong ito na inabandona ng kaniyang mga kaibigan, kamag-anak at mahal sa buhay sa panahon na siya ay nakalugmok sa matinding suliranin?

Ipanalangin ang maraming Hesus na nangangailangan ng makakaramay sa oras ng kanilang pagdurusa.

SI HESUS SA HARAP NG SANEDRIN: (Marcos 14:60-64, 15:1)

“Tumindig ang pinaka-punong Saserdote sa harap ng kapulungan at tinanong si Hesus. “Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Kataas-taasan?” “Ako nga,” sagot ni Hesus. “At makikita niyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. At makikita ninyong siya’y dumarating nasa alapaap ng langit,” Winasak ng pinakapunong Saserdote ang sariling kasuutan at sinabi “Kayo na ang nakarinig ng kaniyang kalapastanganan sa Diyos!” Ano ang pasya niyo? Ang hatol nilang lahat ay kamatayan.

Pagninilay:

Sa ating kasalukuyang panahon. Ilan na ba ang nakulong ng walang sala? ilan na ba ang mga napatay na inosenteng biktima na mabilis na hinusgahan at hinatulan? Ang masakit na hatol na kinasapitan ng mga inosenteng biktima ay kamatayan. Mistulang namamaril ng daga o ibon ang mga Alagad ng Batas na tumutugis sa mga drug addict. Hindi pa man bineberipika ang kanilang totoong pagkakasangkot sa illegal na droga ay nakahandusay na ang kanilang mga bangkay sa lansangan. Hindi sila nag-iisa, sapagkat si Hesus mismo ay biktima rin ng extra-judicial killing”. Ang unang biktima ng kawalang katarunga.

Ang masaklap na karanasan ni Hesus sa harap ng mga Saserdote ay larawan ng kawalang katarungan para sa mga kagaya niyang biktima na mabilis na hinahatulan. Samantalang ang mga totoong may pagkakasala ay pinalalaya. Ang nga taong tunay na sangkot sa illegal na droga at mga pagpatay ay malayang malaya habang ang mga taong inosente ang kasalukuyang nabubulok sa kulungan.

Manalangin tayo na sana ay mabigyan ng hustisya ang mga tunay na biktima ng kawalang katarungan sa ating bansa.

ANG PAGHAMPAS AT PAGPUPUTONG NG KORONANG TINIK: (Mateo 27:22-30)

“Sinabi sa kanila ni Pelato. Kung gagon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo? Sumagot ang lahat. ” Ipako sa Krus!” Bakit, anong masama ang ginawa niya? Tanong ni Pelato.

Ngunit lalo pa nilang isinigaw. “Ipako sa Krus!”

Pagninilay:

Napakaraming biktima ng injustice o kawalang katarungan ang hindi na lamang kumikibo tulad ni Hesus na hindi man lamang dumaing. Marami ang gaya niya na mas pinili na lamang ang manahimik sapagkat wala silang kakayahang ipaglaban ang sarili. Dahil ang katwiran nila, ano ang laban nila sa mga taong malakas ang impluwensiya.

Ilang beses na bang nangyari na si Hesus – ang Panginoong Diyos ay niyurakan, nilapastangan at ininsulto sa harap ng maraming tao. Ilan beses na bang tinawag na “stupid” ang Diyos gaya ng nangyari kay Hesus kung saan sumisigaw ang mga tao ng “Ipako sa Krus! ” Habang nang tawaging “stupid” ang Diyos gaya ng mga tao noong panahon ni Hesus na sumisigaw. Sila naman ay nagtatawanan at nagpapalakpakan.

Ipanalangin natin na nawa’y ang mga taong humahamak at walang galang sa Panginoon ay maliwanagan ng kanilang pag-iisip. Hipuin nawa sila ng Espiritu Santo upang sila ay magsisi at magbalik loob sa Diyos.

To God be the Glory