Bro. Marianito Agustin

Ang Tahanan ng Diyos ay dapat natin igalang gaya ng paggalang natin sa ating sariling pamamahay (LUCAS 19:45-48)

103 Views

“Subalit sinabi sa kanila ni Jesus. “Nasusulat, ang aking bahay ay tatawaging bahay dalanginan. Ngunit ginawa niyo itong lungga ng mga magnanakaw”. (LUCAS 19:46)

NATATANDAAN ko nuong araw ang Simbahang pinagsisilbihan ko – ang Santo Domingo Church sa Quezon City ay pumapayag na magdala ng aso sa loob ng Simbahan ang isang parishioner o yung nagsisimba. Kaya nakikita ko na ilan sa kanila ang may bitbit na aso. Iba-ibang lahi, may puti, mag itim, may malaki at mayroon din naman puppy.

Subalit biglang naglabas ng kautusan ang pamunuan ng Santo Domingo Church sa pangunguna ng aming Father Prior na bawal ng magdala ng aso o anumang hayop sa loob ng Simbahan o “No, pets allowed”. Bakit kaya? Iyan ang hindi ko alam at hindi ko rin naitanong.

Ang pinakamahalaga lamang dito ay ang pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng ating Simbahan at ang pagbibigay natin ng respeto sa tuwing tayo ay papasok sa loob ng tahanan ng Diyos para magsimba at manalangin. Kung papaano natin iginagalang ang ating sariling tahanan ay ganoon din dapat ang paggalang na dapat iukol natin para sa tahanan ng Panginoon.

Ito ang nilalaman ng Mabuting Balita (LUCAS 19:45-48) patungkol sa pagpasok ni Jesus sa loob ng Templo at kitang-kita niya kung papaano sinasalaula, binaba-baboy at nilalapstangan ng mga tao ang tahanan ng kaniyang ama matapos nila itong gawing palengke. Sapagkat duon sila nagtinda ng kanilang mga kalakal, nagbebenta ng mga hayop at iba pang uri ng paglapastangan.

Kaya ang ginawa ni Jesus ay kumuha siya ng lubid at ginawa niya itong panghagupit upang ipagtabuyan ang mga taong ito. Kasunod ng kaniyang pahayag na “ang bahay ng aking ama ay bahay dalanginan. Ngunit ginawa niyo itong lungga ng mga magnanakaw” dahil maaaring ilan sa mga taong ito ang nakikipag-transaksiyon ng illegal na ginagawa nila sa loob pa man din ng Templo ng Diyos.

ANG PAGBIBIGAY GALANG SA TAHANAN NG DIYOS:

Napakahalaga ang pagbibigay natin ng respeto sa Tahanan ng ating Panginoon. Ang ibig sabihin nito, kapag tayo ay nasa loob ng Simbahan, kinakailangan nating gawin ang ating obligasyon bilang isang mananampalataya. Naroroon tayo sa Tahanan ng Diyos para manalangin at makinig sa Misa lalo na sa Salita ng Diyos at hindi para makipag-tsismisan sa ating katabi o makipag-Maritess.

Minsan, mayroon narin akong sinita na duon pa mismo sa loob ng Santo Domingo Church nagkukuwentuhan o nagchi-chismisan. Ang masama ay pinagkukuwentuhan nila ay ang kapit-bahay nila na di-umano ay “kabit” ng pulis. Nagdadal-dalan sila habang nagdadasal naman ang lahat. Tama ba ang ginagawa nila?

May iba naman ang magsusuot ng napaka-ikling shorts. Kung saan, umaagaw na sila ng atensiyon sa iba pang nagsisimba. Habang ang iba naman ay parang nasa bahay lang dahil naka-suot sila ng sando at shorts. Wow naman? at home na at home, saka relax na relax.

Ang paggalang natin sa Panginoong Diyos ay hindi lang naman dapat ipakita sa pamamagitan ng ating mga salita kundi sa ating mga gawa. Ang pagsusuot ng tama at maayos na kasuotan sa loob ng Simbahan ay isang pagpapakita ng respeto sa ating Diyos. Nasa loob po tayo ng Simbahan at wala sa Palengke.

Ang pananamit ng hindi tama sa loob ng Simbahan ag pagpapakita lamang na wala tayong respeto sa Panginoon. Kapag tayo ba ay pupunta sa isang napaka-pormal na handaan. Maaari ba tayong magsuot ng shorts, sando o kaya ay nakasuot lamang tayo ng basketball jersey? diba, hindi?

Sapagkat kapag ginawa natin iyan, siguradong hindi tayo papapasukin dahil hindi tayo sumusunod sa “dress code”. Marahil ay ganito rin ang dapat natin gawin sa mismong tahanan ng Diyos.

Hindi naman napaka-hirap magbigay ng paggalang. Ang kailangan lamang natin gawin ay disiplinahin natin ang ating mga sarili. Dahil ang ating kasuotan ang naglalarawan o repleksiyon din kung anong uri ng tao tayo.

ANG ATING KATAWAN AY TAHANAN DIN NG DIYOS:

Sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto (1CORINTO 3:16-17). Sinasabi sa Talatang ito na ang ating sariling katawan ay tahanan o Templo ng ating Panginoon kaya dapat lamang na ito ay ating ingatan, alagaan at pahalagahan. Sapagkat nananahan sa atin ang Espiritu ng Diyos.

“Hindi ba ninyo alam na kayo’y Templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kaniyang Espiritu? Paparusahan ng Diyos ang sinomang magwasak ng Templo niya. Sapagkat banal ang Templo ng Diyos at kayo ang Templong iyan”.

Kung ang ating katawan ay Templo o tahanan pala ng Diyos. Ang tanong: bakit may ilan sa atin ang wala rin respeto at paggalang sa tahanan ng ating Panginoon? Nariyan na yung masyado natin inaabuso ang ating katawan sa pamamagitan ng sobrang paglalasing, paninigarilyo, pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot at iba pang uri ng masamang bisyo.

Kung papaano nilalapastangan ng ilang tao ang Simbahan na tahanan ng Panginoon ay ganoon din ang ginagawa nilang paglapastangan sa kanilang mga sarili. Bukod pa ang paggawa nila ng samu’t-sariling kasalanan na lalong nagpaparumi at nagwawasak sa tahanan ng Diyos.

MENSAHE NG EBANGHELYO:

Malinaw ang mensahe ng Pagbasa. Ito ay ang pagbibigay ng nararapat na respeto sa tahanan ng Panginoong Diyos. Maging ito man ay ang Simbahan o ang ating sariling katawan. Hindi natin maaaring ikatwiran na “wala kang paki-alam, buhay ko naman ito”. Buhay mo nga, subalit sino ang nagpahiram sayo ng buhay na iyan?

Tandaan natin na ang ating buhay ay ipinahiram lamang sa atin ng Diyos. Wala tayong karapatang lapastanganin ang buhay na ito dahil ito’y ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoon kaya obligasyon natin na ito ay ating ingatan o pangalagaan. Minsan lamang tayong mabubuhay dito sa ibabaw ng lupa. Kaya sana’y huwag natin sayangin ang pagkakataon habang naririto pa tayo. Tandaan natin na laging nasa huli ang pagsisisi.

Habang ang Simbahan naman ay isang banal na lugar upang makausap natin ang ating Panginoon at hingin ang kaniyang awa at kapatawaran. Nawa’y matutunan natin igalang ang kaniyang tahanan sapagkat ang pinupuntahan natin ay “bahay ng Diyos” at hindi isang beerhouse o night club.