bro marianito

Ang utos na huwag kang papatay ay hindi lang nakabatay sa pagkasawi ng isang tao. Nakabatay din ito sa ating masakit na salita

795 Views

“Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno. “Huwag kang papatay, ang sinomang pumatay ay mananagot sa hukuman”. (Mateo 5:21 – Magandang Balita Biblia)

HINDI natin mapapasubalian ang katotohanan na kinakasangkapan ng diyablo ang ating galit upang tayo’y mahulog sa kaniyang bitag. Ang bitag ng pagkakahulog natin sa kasalanan.

Tignan na lamang natin ang mga mala-sardinas at masikip na bilangguan. Ang ilan sa mga kapatid natin na nakakulong ngayon sa napakasikip na selda ay biktima mismo ng kanilang matinding galit o poot. Ito ang nagsadlak sa kanila sa ganoong nakalulunos na kalagayan.

Minsan, napanood ko sa isang “documentary” ang kuwento ng isang bilanggo na ang propesyon ay Civil Engineer. Graduate siya sa isang kilalang Unibersidad at pangatlo sa mga pumasa sa board examination para makakuha ng lisensiya bilang Engineer.

Inilahad niya kung papaano siya humantong sa ganoong sitwasyon, ikinuwento nito sa reporter na nag-iinterview sa kaniya na kaya siya nakakulong ay dahil napatay niya ang kaniyang asawa dahil sa selos. Galit ang nagtulak sa kaniya para makagawa ng krimen.

Nang dahil sa sobra niyang galit, mistulang isang gusali na gumuho ang lahat ng kaniyang itinayo, sinimulan at ipinundar para magkaroon ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Winasak at iginuho ng poot ang lahat ng kaniyang magandang pangarap.

Ano ba ang “moral of the story” sa kuwentong ito? Kapag tayo’y nagpabulag at nagpadala sa ating mga galit. Maaaring nakaamba rin sa atin ang kapahamakan na walang iniwan sa isang Leon na nakahandang silain ang kaniyang biktima katulad sa kuwento nina Cain at Abel.

Sa kuwento nina Cain at Abel (Genesis 4:1-16), selos at galit din ang nagtulak kay kay Cain para patayin ang kaniyang sariling kapatid. Kaya ang paala sa kaniya ni Yahweh: “Ang kasalana ay tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka”. (Gen. 4:7)

Kapag tayo’y nahimasmasan na at nawala na ang ating galit. Doon pa lamang natin napagtatanto na nagawa pala tayo ng isang bagay na habambuhay nating pagsisisuhan. Katulad sa kuwento ni Cain at ang Civil Engineer na ibinahagi natin.

Kaya muli tayong pinapaalalahanan ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 5:20-26) na sikapin nating maging mahinahon at huwag magpadala o magpabulag sa ating mga galit.

Sapagkat gaya ng sinasabi sa Pagbasa. “Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang napopoot sa kaniyang kapatid ay mananagot sa hukuman” (Mt. 5:22). Sa halip na pairalin natin ang ating poot. Mas makabubuting pag-usapan na lamang natin ang problema.

Ang utos ng Panginoon na huwag kang papatay ay hindi lamang nakatuon at nakabatay sa pagkasawi ng isang tao. Kundi nakabatay din ito sa lahat ng bagay na maaaring magdulot ng sakit ng kalooban para sa taong pinapatungkulan natin.

Nangangahulugan din ito ng mga masasama at masasakit na salitang binibitiwan natin at namumutawi sa ating mga bibig. Tandaan lamang natin na napakahirap paghilumin ang sugat na idinulot ng masasakit na salita na tumagos sa ating puso.

Gamitin natin ang mga magandang pananalita upang palakasin at maiangat natin ang moral ng ating kapuwa. Huwag tayong gumamit ng mga salitang hindi nila pakikinabangan.

Kaya ang paalala ng Ebanghelyo na kapag tayo’y mag-aalay ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala natin na may sama ng loob sa atin ating kapatid. Iwan muna natin ang ating handog upang makipagkasundo sa ating kapatid. (Mateo 5:23-24)

Kaya’t sa mga pagkakataong may hindi pagkakaunawaan at pagtatalo tayo sa ating kapatid. Itinuturo ngayon sa atin ng Pagbasa na iwasan natin itong humantong sa ating galit at poot. Hangga’t maaari ay sikapin natin itong idaan sa maaayos at mahinahong pag-uusap.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, tulungan mo po kaming huwag mabulag ng aming galit. Nawa’y tulungan mo kami na maging mahinahon upang huwag kaming mabitag ng pagkakasala na magpapahamak sa amin.

AMEN