Rodriguez

Anim na taong termino ng mga opisyal ng BSK aprubado na sa Kamara

Mar Rodriguez Jun 10, 2025
34 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11287 na naglalayong magkaroon ng six years term ang mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) sa halip na tatlong taon lamang.

Sabi ng isa sa mga principal author ng panukala na si Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez, sakaling tuluyan ng maisabatas ang House Bill No. 11287, ang mga incumbent officials ng BSK na nahalal noong October 30, 2023 ay mananatili hanggang sa ikalawang Lunes ng taong 2029 at mula doon ay magiging kada-anim na taon na ang kanilang termino.

Dahil dito, inihayag ng kongresista na ang nakatakda sanang eleksiyon para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa darating na December 2025 ay iuurong na sa May 2029 pagkatapos ang pagdaraos ng 2028 local at national elections.

“This means that the BSK polls scheduled in December this year are reset to May 2029,” ayon kay Rodriguez.

Nabatid pa kay Rodriguez na sa pamamagitan ng botong 153 mula sa mayorya ng mga mambabatas habang 41 naman ang kumontra. Inaprubahan sa Plenaryo ang naturang panukala kung saan itatakda rin nito ang dalawang term limit para sa mga Barangay officials habang ang mga SK naman ay isang termino lamang.

Pagbibigay diin nito na ang tatlong taong termino ng mga Barangay officials ay masyadong napaka-ikli sapagkat halos hindi nila maipapatupad sa maikling panahon ang lahat ng kanilang ipinangako.

“The officials will not be given enough time to fully implement their plans, programs and activities which they have promised their constituent. The wounds of division created by the recent elections among our people are still fresh,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag din ni Rodriguez na magiging mabigat din para sa pamahalaan ang paglalaan ng panibagong gastos para sa pagsasagawa ng halalan sa Disyembre 2025.