Vic Reyes

Ano ba ang itinatago ni VP Sara Duterte?

Vic Reyes Oct 20, 2024
108 Views

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa na patuloy na tumatangkilik sa ating pitak.

Binabati natin ang mga kababayan natin diyan sa Japan na sina: Roana San Jose, Marilyn Yokokoji ng Ihawan,

Ate Vina, Lovely Pineda Ishii, Mama Melody Maeashiro at sa Richwhich Club.

Pagbati rin ang parating ni Theresa Yasuki sa team ng Migrant Workers Office (MWO), TOKYO, sa kanilang successful monitoring na ginawa sa OKİNAWA, Japan. Ito ay pinangunahan ni Labor Attache Lamberto Pastrana,

Assistant Labor Attache, Nico Herrera, at iba pang mga opisyal at kawani ng MWO.

Mabuhay kayong lahat!

***

Patuloy lamang na nagdudulot ng mga katanungan ang Tanggapan ni Bise Presidente Sara Duterte matapos muling balewalain ng kanyang mga opisyal ang isa pang imbestigasyon ng Kongreso. Sa kabila ng paulit-ulit na panawagan mula sa Komite ng Mabuting Pamahalaan at Pampublikong Pananagutan ng Mababang Kapulungan na ipaliwanag kung paano ginamit ang pondo ng gobyerno, nananatiling matigas ang mga opisyal ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP) at tumangging dumalo sa pagdinig noong Oktubre 17, 2024.

Mistulang ibinasura pa nila ang mga alalahanin tungkol sa kontrobersyal na P125-milyon na paglilipat ng pondo, at sinasabing ito ay “politically motivated.”

Napilitan ang isang panel ng Kongreso na magpalabas ng mga subpoena para sa anim na opisyal ng OVP matapos nilang paulit-ulit na balewalain ang mga imbitasyon na dumalo sa pagdinig kaugnay sa nasabing usapin. Nakatuon ang imbestigasyon sa kung paano ginamit ng OVP ang pondo ng gobyerno at kung may mga iregularidad ba dito.

Ang patuloy na pagtanggi na makipagtulungan ay lalo lamang nagpapataas ng hinala.

Ano ba ang tinatago ni VP Sara Duterte? Bakit ayaw niyang maging malinaw kung paano ginamit ang milyun-milyong piso?

Ang tingin tuloy ng ating mga kabayan, tila sumusunod si Sara sa yapak ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na madalas iwasan ang pananagutan. Matagal nang inuugnay ang pamilyang Duterte sa mga paratang ng korapsyon.

Ang pagtangging lumahok sa pagdinig ng Kongreso ay lalo lamang nagpapalakas ng mga hinalang may itinatago ang kampo ni Duterte.

Hindi dapat palampasin ng Mababang Kapulungan ang isyung ito. Kailangang panagutin ang OVP sa bawat pisong ginastos nila.

Hindi ito simpleng usapin ng pulitika—ito ay usapin ng transparency at pananagutan. Utang ng tanggapan ni Sara Duterte sa sambayanang Pilipino ang mga paliwanag.

Dapat ipagpatuloy ng Kongreso ang pag-usisa. Karapatan ng mga taong malaman ang katotohanan.

At kung mapatunayang may iregularidad, panagutin ang mga dapat managot!

(Para sa inyong pagbati at komento, mag-text sa # +63 9178624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.).