Bro. Marianito Agustin

Ang totoong kaligayahan na maghahatid  sa atin sa buhay na walang hanggan

309 Views

Ano rin ba ang mga kaya natin iiwan at isuko alang alang sa paghahari ng Diyos? (Marcos 10:28-31)

“At nagsalita si Simon Pedro. Tingnan po ninyo Panginoon, iniwan na namin ang lahat at kami’t sumunod sa inyo”. (Marcos 10:28)

MAYROON akong kakilala akong tao na hindi matatawaran at maaaring hindi rin mapapantayan ng sinomang lalake ang pagmamahal at pag-ibig na iniukol niya para sa kaniyang asawa.

Ang asawa niya ay “bed ridden” dahil sa sakit nitong tuberculosis (TB). Matiyaga niya itong inaalagaan, siya ang nagpapakain, nagbibihis at nag-aasikaso sa lahat ng mga pangangailangan nito.

Mahirap man ang kaniyang sitwasyon at pinagdadaanan, sapagkat halos hindi na siya nakakapasok sa kanilang opisina para lang mag-alaga sa kaniyang may sakit na asawa.

Dahil wala naman silang puwedeng asahan para makatulong man lamang sa kaniya. Sapagkat hindi naman sila nabiyayaan ng anak at ang mga kamag-anak naman nila ay puro mga nasa malayong lugar.

Gayunman, hindi parin siya sumuko at nakahanda pa rin niyang ibigay ang lahat para sa minamahal niyang asawa. Malugod pa rin niya itong pinagsisilbihan kahit na napakahirap.

Minsan, sinabi niya sa akin na hindi biro ang kaniyang pinagdadaanan. Subalit ang lahat ng ito ay kinakaya at tinitiis niya alang-alang sa pagmamahal at pag-ibig niya sa kaniyang misis.

Hindi daw niya kayang iwan o talikuran ang kaniyang asawa sa ganoong sitwasyon. Kaya nakahanda siyang mag-sakripisyo para lamang iparamdam o ipadama kung gaano niya kamahal ang kaniyang kabiyak.

Napakasarap pakinggan ang mga salitang “Nakahanda mong ibigay ang lahat alang-alang sa pag-ibig”. Ang ibig sabihin lamang nito ay ang kahandaang mag-sakripisyo para sa taong minamahal mo.

Ipinagdiwang natin ang Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Ang hudyat sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.

Ito din ang panahon para tayo ay magtika o magnilay, magsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa ating Panginoong Diyos.

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo (Marcos 10:28-31) kung ano ba ang kaya din nating iiwan, ibigay at isakrpisyo alang-alang sa pag-ibig natin sa ating Panginoong HesuKristo.

Winika ni Pedro kay Hesus na iniwan nila ang lahat para lamang sumunod sa kaniya kapalit ng “Buhay ng walang hanggan”.

Nangangahulugan lamang ito na buong pusong isinuko ng mga Alagad ni Hesus ang lahat ng mga bagay na mayroon sila dito sa ibabaw ng mundo alang-alang sa “Kaharian ng Diyos”.

Katulad ng mga Apostol, ano-ano rin ba ang mga bagay na kaya nating isuko at iiwan alang-alang sa “Kaharian ng Diyos?” Sapagkat ang pagsuko ay nangangahulugan ng “buong pusong” pagbibigay.

Kaya ba natin iiwan, talikuran at isuko ang kalayawan ng mundo para lamang magpasakop sa ating Panginoong HesuKristo? Kaya ba natin talikuran ang kasalanan para magbalik loob sa Diyos? At kaya rin ba natin mamuhay sa liwanag sa halip sa kadiliman?

May mga bagay na hindi natin basta-basta kayang iiwan sapagkat ang paniniwala natin ay ito ang mga bagay na nagpapaligaya sa atin. Subalit ang tanong lamang, saan ba tayo dadalhin ng kaligayahang ito?

Ano nga ba ang mahalaga, ang kaligayahang panandalian lamang at sa kalaunan ay magpapahamak pala sa atin? O ang kaligayahang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan?

AMEN

Inaanyayahan ko po kayo sa aking Radio Program na “ANG TINAPAY NG BUHAY” tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng Umaga. Mapapakinggan sa 103.9 DWRB News FM Ang Himpilang Ikaw ang Una at mapapanood naman sa kanilang Facebook Page.

Maraming Salamat po God Bless.