Anti-crime drive sa Laguna nakahuli ng 163 crime suspek

Gil Aman Aug 26, 2024
130 Views

KAMPO HENERAL Paciano Rizal–Umabot sa 163 suspek sa iba’t-ibang krimen ang nalambat sa anti-criminality drive ng Laguna police mula Agosto 19 hanggang 25, ayon kay P/Col. Gauvin Mel Unos, acting provincial director ng Laguna police.

Sa kampanya laban sa iligal na droga, nagsagawa ang Laguna police ng 28 na operasyon na nagresulta sa pagkaaresto sa 41 na suspek.

Kumpiskado sa mga suspek ang 27.13 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P184,484.

Sa anti-illegal gambling operations, 10 operasyon ang inilunsad laban sa mga bookies na nagresulta sa pagkaaresto ng 10 suspek.

Umabot sa 21 operasyon laban sa iba pang sugal ang inilunsad na nagresulta sa pagkakaaresto ng 56 suspek.

Nasamsam sa mga suspek ang bet money na umaabot sa P12,760.

Sa manhunt operations, arestado ang siyam na wanted na suspek habang naaresto din ang 44 na wanted sa iba pang mga kaso.

Sa loose firearms, walong operasyon ang isinagawa at nakakumpiska ng pitong loose firearms at tatlo ang naarestong suspek.

“Ang matagumpay na mga operasyon ng Laguna police laban sa kriminalidad bunga ng pagtutulungan ng kapulisan at mamamayan,” sabi ni Unos.