Anti Espionage

Anti-espionage law dapat palakasin

69 Views

DALAWANG senador ang nagsabi na kailangaing repasuhin at amyendahan ang mga batas ng Pilipinas ukol sa espionage.

Panahon na upang gawing prayoridad ng Kongreso ang isyung ito lalo na sa harap ng maraming hamon at kontrobersiya na kinakaharap ng bansa, ayon sa mga senador.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, ito na ang tamang panahon upang baguhin ang batas ng espionage sa Pilipinas sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2368, na naglalayong tugunan ang lumalaking banta ng cyber espionage at magpataw ng mas mahigpit na parusa.

Binigyang-diin ni Estrada na ang kasalukuyang mga batas mula pa noong 1930s at 1940s hindi na sapat upang harapin ang mga hamon ng makabagong teknolohiya.

Ang kanyang panukala naglalayong gawing moderno ang legal na balangkas sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw ng espionage upang isama ang mga banta sa cyber at ang pagrekomenda ng mga parusa tulad ng habambuhay na pagkakulong at multang hindi bababa sa P1 milyon.

“The expansion of the coverage of espionage includes new provisions addressing cyber espionage. This legislation is a response to evolving threats and technological advancements,” ayon kay Estrada

Ipinahayag naman ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ang pagbibigay suporta sa pag amyenda nito sa inisyatiba ni Estrada na binibigyang-diin ang pangangailangan ng batas na ipatupad hindi lamang sa panahon ng digmaan kundi sa panahon ng kapayapaan.

Binanggit ni Teodoro na ang mga umiiral na batas nag-iiwan sa bansa na bulnerable sa panahon ng kapayapaan, dahil ang espionage parurusahan lamang sa oras ng digmaan. Hinimok niya ang mga mambabatas na agarang kumilos, lalo na sa liwanag ng mga kamakailang akusasyon laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo, na nasangkot sa espionage para sa China.

Nagpahayag din ng suporta at paniniwala si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga panawagan nina Estrada at Teodoro para sa reporma. Hinimok niya ang Department of National Defense (DND) na magsumite ng konkretong mga mungkahi kung paano nila nais na mapalakas ang batas.

Binanggit ni Escudero na ang kasalukuyang mga batas ukol sa espionage, na nakasaad sa Revised Penal Code, ay bihirang gamitin at hindi sapat para sa mga nagbabagong hamon sa seguridad na dulot ng makabagong teknolohiya.

Ang pagtutulak para sa pagbabago ay sumasalamin sa pangangailangan ng bansa na manatiling nangunguna sa harap ng mga potensyal na banta sa pambansang seguridad sa isang lalong kumplikadong pandaigdigang kapaligiran.