Apayao

Apayao may bagong farm-to-market road

Cory Martinez Jun 14, 2025
24 Views

PWEDE nang daanan ang P29.85 milyong, 1.9-kilometrong Banban-Banauan-Guidegued farm-to-market road (FMR) sa Apayao.

Dahil dito, madali nang maibibiyahe ng may 1,200 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang kanilang mga ani.

Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR)-Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Director Samuel Solomero, ang proyektong ito patunay ng pagtutok ng gobyerno sa pag-unlad ng mga kanayunan at sa kapakanan ng mga magsasaka.

Ginanap ang turn-over ceremony sa Brgy. Banban na bahagi ng CALAOAN Agrarian Reform Community (ARC) na binubuo ng sampung barangay sa Conner.

Inaasahang makatutulong ang FMR sa mas mabilis na transportasyon ng mga produkto, pagbawas sa post-harvest losses at makakatipid ng oras at pera ang mga magsasaka sa pagdadala ng produkto sa pamilihan.

Nagpasalamat si Arsenio Tumbali, pangulo ng Banban Farmers Agriculture Cooperative, kay DAR Secretary Conrado Estrella III, at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Ipinapangako po naming pangangalagaan at panatilihing maayos ang kalsadang ito. Umaasa kami sa patuloy na suporta ng pamahalaan,” ani Tumbali.

Dumalo si Congresswoman Apayao Eleanor C. Bulut-Begtang, kasama ang mga opisyal mula sa pamahalaang panlalawigan ng Apayao at mga lider mula sa municipal at barangay local government units ng Conner.

Itinayo ang FMR sa ilalim ng Program Beneficiaries Development Division (PBDD) ng DAR, na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga ARB at Agrarian Reform Communities (ARCs) sa buong bansa.

Nakasentro ang programa sa pagbibigay ng imprastruktura, pagsusulong ng masaganang pagsasaka, at pagpapabuti ng kabuhayan sa kanayunan.